Florence
TINATAGO nila sa pangalang Florence ang 21-year old volunteer nurse na biktima ng gang-rape sa South Upi, Maguindanao noong September 25 na ngayon ay ginagamot sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) dito sa Davao City.
Iniwan si Florence ng mga salarin sa akalang patay na siya. Ngunit sila ay nagkamali dahil buhay pa ang dalaga at ngayon ay lumalaban at sana ay makaka-fully recover na siya at maitukoy niya ang mga dapat managot sa karumaldumal na krimen.
Pinalaya na ng fiscal dahil wala nga raw sapat na ebidensiya na magdidiin sa anim na unang dinampot dahil nga raw nagkataon lang na andun sila sa videoke bar na kung saan naganap ang kasiyahan bago nangyari ang panghahalay kay Florence.
At binawi rin ni Melchor Fulgencio, ang 52-year old na ex-militiaman, ang kanyang unang salaysay na inamin niyang siya ang gumahasa kay Florence. Sinabi ni Fulgencio na siya ay dumaan sa matinding torture nang siya ay pinaamin sa salang sinabi niyang wala siyang kinalaman.
Lumalabas na malalim nga ang gang-rape case ni Florence.
Pina-imbestigahan ng maigi ni Justice Secretary Leila de Lima ang kaso ni Florence dahil naniniwala siya na may iba pang taong makapangyarihan at mayayaman na sangkot sa kaso.
Huwag sanang tantanan ng mga otoridad ang pagtugis sa mga may sala maging sino man sila.
Bukod sa usaping legal, sinisikap din ng mga attending physicians ni Florence dito sa SPMC na maging ganap na talaga ang kanyang paggaling dahil nga napansin na may memory loss ngayon ang dalaga.
Kalunus-lunos ang nangyari kay Florence dahil nga nagkaroon siya ng brain contusions maliban pa sa mga pasa sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan. Nabasag din ang kanyang jaw na naging dahilan kung bakit siya dumaan sa tube-feeding. Paralisado rin ang kanang bahagi ng katawan ni Florence.
Walang kaluluwa ang mga gumawa kay Florence sa nasabing krimen. At sila ay nananatiling malaya at tila naghahanap ng mga bagong bibiktimahin kung hindi sila masusugpo ngayon.
At sana naman sa mga taga South Upi na testigo sa buong pangyayari ay magkaroon din sila ng lakas ng loob na lumabas at ituro kung sino nga ang gumawa ng krimen.
Alalahanin lang sana ng mga taga-South Upi na si Florence ay boluntaryong binigay niya ang serbisyo niya para sa mga taga-roon ngunit ano ang sinukli ng mga lapastangan na iyon sa kaniya?
Bumawi naman kayong mga taga-South Upi— tulungan at suportahan ninyo si Florence.
Puso ang binigay ni Florence sa South Upi. Suklian n’yo naman ng puso rin.
- Latest
- Trending