HINDI kaya pases ang amnestiya para magkudeta? Puwedeng hindi at puwede rin namang oo. Maaaring lumakas ang loob ng ilang sundalo na mag-alsa sa gobyerno at kapag pumalpak, maaari naman silang patawarin. Ang isyung ito ay lumutang makaraang payagan ni President Noynoy Aquino si dating Navy Lt. at ngayo’y senador Antonio Trillanes na mabigyan ng amnestiya. Bukod kay Trillanes, 300 pang sundalo ang makikinabang sa amnestiya. Si Trillanes ang namuno sa Magdalo Group na umokupa sa Oakwood Hotel sa Makati noong 2003.
Noong kakaupo pa lamang ni Aquino, nagpahiwatig na siya ng pagpabor na mapalaya si Trillanes para makadalo sa session ng Senado. Unang hakbang ay nang atasan niya si Justice Secretary Leila de Lima na rebyuhin ang kaso ni Trillanes. Ang utos ni Aquino ay agad kinontra ng dalawang senador at sinabing hindi dapat pinakikialaman ang trabaho ng judiciary. Pero nakahanap ng kakampi si Aquino nang sabihin ni Sen. Gregorio Honasan na dapat bigyan ng amnesty si Trillanes. Ito raw ay para maiwasang mapolitika ang judicial process at mawala ang kontrobersiya. Kasunod niyon ay ang paglagda ng 17 senador sa Senate Resolution No. 217 para pagkalooban ng amnesty si Trillanes at iba pang sundalo. Iyon ang hinihintay ni Aquino at iginawad ang amnesty kay Trillanes. Sa mga susunod na session ng Senado ay maaaring makadalo na si Trillanes.
Ang pagkudeta ng mga sundalo ay karaniwan na sa bansa. Pinangunahan ito ni Honasan noong panahon ni dating President Corazon Aquino. Maraming beses nagsagawa ng kudeta si Honasan at maraming namatay at pininsalang kabuhayan. Natakot ang mga negosyante noong Disyembre 1989 kung saan pinakamadugo ang kudeta. Pero hindi rin nagdusa si Honasan sa nagawa. Nabigyan pa nga ng amnestiya at ngayon ay senador pa.
Sa kaso ni Trillanes, sana sa pagbibigay ng amnesty sa kanya ay maging daan naman iyon para maisakatuparan niya ang hinahangad na pagbabago. Gawin niya ang nararapat para matamo ang pagbabago sa sandatahang lakas ng Pilipinas na sinasabi niyang maraming kabulukang nangyayari.
Hindi naman sana maging halimbawa ng iba pang sundalo ang ginawa nilang pag-aaklas na maaari pala sapagkat mabibigyan ng amnestiya. Hindi sana ganito ang isipin ng ibang sundalo.