Puwede ang lasing sa Valenzuela City Jail
BAKIT kaya pinapayagan ni Valenzuela City Jail Warden Gerald Bantag at deputy Ian Niaga na makapasok sa kanilang tanggapan ang mga tauhan kahit lasing? Ganyan din kaya silang mga opisyales kaya tinutularan sila ng mga tauhan? Malaki ang aking hinala na madalas itong nangyayari sa Valenzuela City Jail na dapat na pag-ukulan ng pansin ni National Capital Region-Bureau of Jail Management and Penology (NCR-BJMP) director Rosendo Dial. Dahil kung magsasawalang bahala siya tiyak na hahantong ito sa kamatayan ng mga preso sa Valenzuela City Jail.
Nagkabasag-basag ang mukha at putok-putok ang ulo ni Edwin Cruz Claros matapos mapag-tripan ng lasing na si JO1 Eric Pascua noong madaling-araw ng Oktubre 4. Gumagapang sa baldosa habang humihingi ng saklolo sa kapwa niya bilanggo si Edwin. Ngunit tila wala na sa sarili si Pascua.
Ang dapat sa katulad ni Pascua ay ipadala sa Mindanao upang masubukan ang tapang sa Abu Sayyaf. Hindi pa nakuntento sa panununtok at sipa si Pascua kinaladkad pa niya ito patungo sa opisina ni Jail Warden Gerlad Bantag at doon pinagpapalo ng silya. Humandusay sa semento si Edwin at nawalan ng malay sa sobrang pahirap at pagdurugo ng ulo. Nataranta si Pascua nang makitang dumudugo ang ulo ni Edwin kaya dinala niya sa Valenzuela General Hospital upang ipagamot. Ngunit matapos na masuri at magamot si Edwin ay umiskerda na si Pascua tangay ang medical certificate. Kapag nakuha ng mga kamag-anakan ni Edwin ang resulta niyon tiyak na sasabit siya sa kanyang kademonyuhan.
Dahil sa walang lihim na hindi nabubunyag, sumugod ang mga kamag-anakan ni Edwin sa tanggapan ni Warden Bantag upang personal na ireklamo si Pascua. Ngunit mukhang money maker ni Bantag si JO1 Pascua kaya todo pagtatakip ang ginawa. Maging ang medical certificate na hinihingi ng kamag-anak ni Edwin ay nawala dahil nabasa raw ito nang maglaba ng pantalon si Pascua. Aba director Dial, mukhang sablay ang katwiran nina Bantag at Pascua dahil ang dapat ay nasa mga doctor ang naturang finding upang magamit ng biktima sa pagsampa ng kaso o di kaya’y magiging katibayan sa ginawang pagmaltrato. Calling Commission on Human Rights commissioner Eta Rosales, pakiimbestigahan po itong reklamong ipinarating sa akin ni Edwin Cruz Claros dahil mukhang nagkukutsabahan sina Director Bantag at deputy Ian Niaga ng Valenzuela City BJMP sa pagtatakip kay Pascua. Lumalabas kasi na naroroon si Niaga sa kanyang opisina nang mangyari ang pagmaltrato ni Pascua kay Edwin subalit wala itong ginawang aksyon.
- Latest
- Trending