'Quiet or Quit?'
SA lahat ng appointments ni P-Noy sa pamahalaan, one of the best, if not the best, ang paghirang kay DOJ Sec. Leila de Lima. Ilang beses ko nang naisulat ang paghanga sa kanyang katapangan. Sa mga kontrobersyal na kaso tulad ng Dacer-Corbito, Oakwood at Peninsula, Ampatuan, at maging sa pagtanggol sa Truth Commission, ang stea-d-ying presence ni Sec. De Lima ang nagbigay lakas ng loob sa isang administrasyong nangangapa.
Kaya nagulat ang marami nang si De Lima rin ang nambulabog sa pagka-steady ng administrasyon. Inamin nito sa publikong hindi niya nagustuhan ang nangyaring pambaliktad sa kanyang IIRC recommendation sa Luneta Hostage incident at pumasok sa isip niya ang pagbitiw sa puwesto. Wow!
Noong 1986 presidential elections, nang namimili si President Ferdinand Marcos ng running mate na lalaban sa tambalang Cory Aquino at Doy Laurel, kinuha niya ang kilalang oposisyonista at independiyenteng si Arturo Tolentino. Aniya: Bakit pa kailangan ng botanteng tumingin sa kabila gayong may oposisyonista na ko sa sariling bakuran? Ganito rin ba ang sitwasyong gustong mangyari ni Sec. De Lima? Ang manatili sa poder ni P-Noy habang malaya nitong pinapahayag sa madla ang kanyang pagkadismaya?
Maaaring may matuwa sa bukas na kalooban ni Sec. De Lima. Kung tutuusin, maganda nga iyong hindi puro YES MEN ang nakapalibot sa presidente at may natitirang magbibigay ng guidance, kahit kontra sa kanyang pinaniniwalaan.
Subalit kung ang kumokontra ay mismong nasa opisyal na pamilya ng presidente at tinuturing na alter-ego o may kapangyarihang umakto para sa kanya, hindi magandang masilip na may hidwaang nagaganap sa pinakamataas
na baitang ng pamunuan ng bansa. Walang kahihinatnan ang ganitong klaseng panda-dabog kung hindi ang ipamukha sa publiko na hindi kuntrolado ng presidente ang sarili nitong mga tauhan. Lalabas siyang mahinang lider.
Kahapon ay hindi na naman kinonsulta ang DOJ sa Trillanes amnesty – siguradong nasaktan ito. Tama ang “quiet or quit” ni Sen. Pres. Juan Ponce Enrile at Sen. Serge Osmeña. Habang ika’y nananatili sa poder, pangatawanan mo ang tinanggap na posisyon. Kung mayroon kang kontra posisyon, ipaalam mo sa Pangulo, hindi sa publiko. Si P-Noy ang hinalal – siya ang may pananagutan sa bayan. Gaano ka man kagaling sa iyong posisyon o sa sarili mong kaisipan, you serve at the pleasure of the president. Kung hindi kayang pangatawanan ang pagtutol at ituloy ang pagbibitiw sa posisyon, tahimik na lang tayo kaibigan.
- Latest
- Trending