DALAWANG magkaibigang Arabo ang naglakbay sa disyerto. Sa isang punto nagkainitan sila ng usapin; sinampal ng isa ang kaibigan. Nasaktan ang sinampal, ngunit walang kibo lang ito gumuhit sa buhangin, “Ngayong araw na ito, sinampal ako ng pinaka-matalik kong kaibigan.”
Nagpatuloy sila sa paglakbay. Nang matunton ang oasis, lumusong sila sa tubig at naligo. Naipit sa batuhan ang paa ng sinampal na kaibigan, at humingi siya ng saklolo mula sa pagkalunod. Mabilis siyang niligtas ng kaibigan bago lumubog. Inukit ng iniligtas na kaibigan sa bato: “Ngayong araw na ito, sinalba ang buhay ko ng pinaka-matalik kong kaibigan.”
“Bakit gan’un?” Tanong ng una, “Kaninang sinampal kita, gumuhit ka sa buhangin, at ngayong iniligtas kita, inukit mo sa bato?”
Tugon ng kaibigan: “Kapag may nanakit sa atin, dapat isulat lang sa buhangin kung saan buburahin ito ng hangin ng pagpapatawad. Pero kung may gumawa sa atin ng kabutihan, dapat isulat sa bato upang matandaan natin at maipabatid pa sa iba.”
* * *
MEDYO komiko ang bersiyong Pilipino ng alamat ng magkaibigang nag-away at nagtaniman ng galit:
Noong unang panahon, ang balat na pinaka-damit ng baka at kalabaw ay sukat na sukat sa kanilang mga katawan. Matalik silang magkaibigan at parating nagkukuwentuhan, nagkakasiyahan.
Nagbago lahat nang maligo sila sa batis. Naghubad sila ng balat na damit. Nagkainisan sa pagwiwisikan ng tubig, nagsungayan, nagsakitan. Biglang may lumitaw na buwaya at dinamba sila. Nagtakbuhan ang dalawa. Dinampot ng baka ang damit-balat ng kalabaw at nagmamadali itong isinuot, at ang kalabaw naman ay isi-nuot ang damit-balat ng baka.
Hindi na sila nagkibuan mula noon, miski para man lang magsolian ng damit. Kaya mula noon ay maluwag na ang balat ng baka, at masikip naman ang sa kalabaw. Ha-ha-ha!