Mabagal na hustisya
SA lahat ng oras, dapat laging tapat ang isang huwes sa pagtitiwalang ipinagkaloob sa kanya lalo sa pagtupad ng kanyang tungkulin na maging mabilis sa pagdedesisyon sa mga kasong hawak. Sa ilalim ng Judiciary Act, binibigyan lang ang huwes ng 90 araw upang maresolba ang kaso. Dapat na may sapat silang dahilan kung sakaling hindi nila ito magagawa, kung hindi ay maaari silang masampahan ng kasong administratibo, katulad ng ipinakikita ng kasong ito sa isang Judge sa dating Court of First Instance, si Judge GR.
Isang kasong administratibo ang isinampa kay Judge GR dahil sa mga kasong nasa kanyang sala at hindi niya naresolba sa loob ng 90 araw. Labag ito sa Judiciary Act ngunit sa kabila nito, tuloy pa rin si Judge GR sa pagtanggap ng suweldo dahil gumawa siya ng sertipikasyon na wala siyang nakabinbin na kaso.
Ang paliwanag at palusot ni Judge GR, wala naman daw siyang masamang intensiyon nang gumawa siya ng ulat at sertipikasyon. Katunayan daw, may nagawa na siyang trabaho o draft ng desisyon ngunit hindi napangalagaan ng mga tauhan niya ang rekord kaya nawala ito at nakalimutan na bago pa maging pinal ang desisyon. Malas pa dahil hindi naipaalam sa kanya ng kanyang mga tauhan ang tungkol sa pagkawala ng draft dahil sa takot ng mga ito sa kanyang galit.
Sapat na ba ang paliwanag ni Judge upang makalusot sa kaso?
HINDI. Maaaring totoo na walang masamang ha-ngarin si Judge sa ginawang ulat kahit pa may naka-binbin siyang kaso. Hindi nga niya siguro pinagplanuhan at wala talaga siyang maitim na balak sa ginawa niyang ulat kahit pa patuloy siya sa pagtanggap ng suweldo. Kaya lang, malinaw pa rin na nagkulang siya sa pagtupad ng kanyang tungkulin na naging dahilan sa mabagal na pag-usad ng kaso.
Sa interes ng publiko, ang kanyang pagkukulang sa pagtupad ng tungkulin kahit walang malisya ay dapat pa rin parusahan. Sa ngayon, walang posibilidad na may naging pagkakamali ang pag-intindi sa batas na nilabag ni Judge.
Nararapat lamang na ibawas sa matatanggap ni Judge na pera sa pagreretiro ang katumbas sa tatlong buwan niyang suweldo at dapat na ibalik ito sa gobyerno (Cortes vs. Romero, A.M. No. 243-J, July 30, 1976).
- Latest
- Trending