Ang dating ilog
NAKAKATABA ng puso ang makitang libu-libo ang sumapi sa Kapit Bisig Para Sa Ilog Pasig noong Linggo. Ito ang “fun run” para sa kapakanan ng Ilog Pasig, at ang tuluyang paglinis nito, pati na ang suporta ng Pilipinas sa climate change. Napakaraming tao ang dumalo, mula sa lahat ng sektor ng lipunan. Tama nga naman na para sa lahat ang ilog Pasig, at hindi para sa iilan lamang.
Mahalaga ang tubig sa tao. Kahit sa mga sinaunang panahon, natural na malapit ang tao sa mga tubigan. Maraming biyaya ang nabibigay ng tubig, kaya nga halos lahat ng mga siyudad ay tinayo katabi ng mga tubigan, o kaya’y ilog at dagat. Isa na riyan ang Maynila. Sa tabi ng ilog Pasig nagsimulang magtayo ng mga tahanan ang mga ninuno natin. Sumunod na ang mga negosyo dahil mahalagang daanan ng kalakal ang ilog Pasig. Nagtayuan na rin ang mga pabrika, at dumami ang mga tao sa kanyang baybay at paligiran. Dito na nagsimula ang unti-unting pagkamatay ng ilog. Ginawang tapunan ng lahat ng klaseng basura. Ginawang kubeta ng mga naninirahan sa kanyang baybay. Ginawang tapunan ng mga basura at produktong tapunan ng mga pabrika sa tabi nito. Lahat na ng masamang puwedeng gawin sa isang ilog ay ginawa sa Ilog Pasig, hanggang sa umabot na sa kasalukuyang estado. Marumi, mabaho at nagdadala ng sakit.
Magiging walang saysay ang naganap na matagumpay na Kapit Bisig Para Sa Ilog Pasig kung hindi rin babaguhin ang kaugalian ng lahat ng nabanggit ko. Hindi na dapat gawing basurahan, kubeta at tapunan ng kung anu-ano. At dito mahihirapan ang lahat ng gustong tumulong para maibalik ang Ilog Pasig sa dati niyang ganda, bango at buhay. Marami akong nakakausap na puwedeng-pwede lumangoy sa ilog noon, dahil napakalinis. Matatanaw ang ilalim nito, na puro isda! May mga alaala nga ako na kulay asul ang Ilog Pasig, kapag napapadaan kami ng Nagtahan bridge noong araw. Maganda siguro kung maibabalik ito. Pero magagawa lang iyan kapag naging matigas ang mga otoridad at lahat ng organisasyon sa paglinis ng ilog. Kundi, kahit ilang Kapit Bisig pa ang gawin, at kahit ilang fun run pa ang gawin, malagay sa Guiness Book of World Records o hindi, mga gimik at happening lang ang mga iyan.
- Latest
- Trending