IIRC report: Kung may gusot, may lusot
MATAGAL din marahil nag-agonize si President P-Noy kaugnay ng pagbuo ng pinal na rekomendasyon kung sinu-sino ang dapat managot sa Manila Hostage Crisis. Ngayon, nananabik na ang buong bansa, lalu na yung mga personalities concerned sa ipalalabas na report ng Pangulo. Ini-imagine ko ang sarili ko sa puwesto ng Pangulo. Talagang nakakatorta ng isip na patawan ng parusa lalu na ang ilang personalidad na karamihan ay malalapit sa iyo.
Ayon sa ating reliable source, aprobado na ng Pangulo ang report ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC) matapos sumailalim sa rebisyon ng mga legal experts ng Malacañang.
Ang review ay magkasamang ginawa nina Chief Presidential Legal Counsel Eduardo V. De Mesa at Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr. Nauna nang nagkaroon ng “leak” ang final version na naibalita na sa mga himpilan ng telebisyon at radyo pero iginiit ng Malacañang na walang matatawag na finality hangga’t hindi pa inirereport ng Pangulo.
Sa final rekomendation, kasong administratibo lang ang ipapataw kay Manila Mayor Fred Lim. Pero para kina Interior and Local Government Undersecretary Rico Puno at dating PNP Chief Jesus Verzosa – lusot sila kapwa sa ano mang kaso. Pati si Manila Vice Mayor Isko Moreno ay lusot din sa ano mang kaso.
Ang kapalaran naman ni Ombudsman Merceditas Gutierrez ?ay ipinasa sa Mababang Kapulungan na may nakabinbing impeachment case laban sa una. Ang Kongreso ay binigyan ng sipi ng Palace legal review para makapagsagawa ng imbestigasyon at matukoy kung ano ang nararapat na parusa.
Ngunit si Deputy Ombudsman Emilio Gonzales III ay sasampahan ng kasong administratibo.
Ang utol ng hostage taker na si SPO2 Gregorio Mendo-za ay sasampahan ng kasong administratibo. Inaatasan din ang Manila Police District na magsagawa ng paunang imbestigasyon kaugnay ng kasong illegal possession of firearms para mabatid kung kasabwat sa hostage-taking.
Hindi naman umano binago ng legal team ang rekomendasyon ng IIRC laban sa mga sumusunod:
Manila Police District (MPD) chief Superintendent Rodolfo Magtibay; National Capital Region Police Office chief Director Leocadio Santiago;
Superintendent Orlando Yebra, chief negotiator; at
Chief Inspector Santiago Pascual, hepe ng MPD Special Weapons and Tactics team.
Samantala, bahala na ang Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP) sa kaso laban kina RMN anchors Michael Rogas at Erwin Tulfo, pati sa mga istasyon ng TV na ABS-CBN, GMA-7, at TV5.
- Latest
- Trending