'I-long story'

Noong Hunyo, naisulat namin ang kalunus-lunos na sinapit ng isang 22 taong gulang na gwardya na si Eric Aurellana. Nabutas ang mukha ni Eric at natapyas ang kanyang ilong matapos itong tamaan ng ‘shot gun’. Ayon sa kanya ang namaril ay si Mark Kenneth “Mark” Agliam, isa ring gwardiya dahil sa sobrang kalasingan.

Ang insidente ay nangyari noong Ika-13 ng Abril sa Don Jose Heights, Commonwealth Quezon City.

Nagkademandahan sa Q.C Prosecutor’s Office. Nagkapa­litan ng mga bersyon ng kung ano ang nangyari.

Ayon kay Eric, pinipilit na inagaw sa kanya ni Mark ang shot gun, tinutok sa kanya at binaril siya. Sa panig naman ni Mark na nasa kanyang kontra salaysay iginiit niya na nabitawan niya ang baril at bigla na lamang pumutok, tinamaan si Eric sa mukha. Aksidente daw ang mga pangyayari.

Noong mga panahong iyon, ang Chief ng Q.C Prosecutor’s Office ay si Prosec. Claro Arellano.

Matapos matanggap ng ‘investigating prosecutor’ ang lahat ng kanilang dokumento at pahayag ng mga testigo ‘submitted for resolution na ito.

Kinausap namin si City Prosec. Arellano upang ito’y maresolba sa lalong madaling panahon.

Na-'promote’ itong si Prosec. Arellano at ngayon siya ang itinalagang Chief State Prosecutor kapalit ni Jovencito Zuño. Ang humalili sa kanya ay si Asst. Chief State Prosecutor na si Richard Anthony Fadullon, OIC.

Samantala, ang biktimang si Eric ay patuloy na dumaranas ng gabundok na problema dahil ang insidenteng ito ay iniwan ang kanyang mukha na butas, walang ilong, at may mga bulitas pa sa kaliwang mata.

Itinampok namin ang istorya ni Eric sa aming programa sa radyo Hustisya Para Sa Lahat sa DWIZ 882 Khz (tuwing 3:00 ng hapon).

Upang matulungan si Eric na magamot ang nawasak na mukha, binigyan namin sila ng referral sa tanggapan ni dating Chairman Sergio Valencia ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Natulungan nila si Eric matapos na maisumite ang lahat ng ‘medical abstract’ at mga papeles na kaugnay sa kalagayan niya.

Magandang balita! Nakakuha ang pamilya Aurellana sa PCSO ng tulong na ginamit sa mga operasyon. Halagang Php 245,000 para sa plates na ginamit kay Eric.

Sumailalim si Eric sa isang maselan na ‘reconstructive surgery’ sa UST hospital. Ang gumawa nito ay si Dra. Bellie Lingan.

Ang dati niyang wasak at butas na mukha ay natakpan na ng balat mula sa iba’t- ibang parte ng kanyang katawan.

Halos walong oras tumagal ang operasyon. Kumuha ng balat mula sa kanyang anit, malambot na laman sa kanyang tenga (ear lobes) at buto sa kanyang tagiliran para itapal sa butas at gawing ilong.

Hindi isang beses lamang kailangan sumailalim si Eric sa ganitong uri ng ‘surgical procedure’. Kailangan pang pababain ang maga sa kanyang ilong bago ito maaring galawing muli.

Ang susunod na proseso ay ang pag-alis ng mga tahi sa kanyang ilong at ibang parte ng kanyang mukha.

Sa ngayon marami pang kailangang gawin sa ilong nitong si Eric. Dahil sa balat niya sa anit kinuha ang pangtapal sa butas, may mga buhok pa ang ibabaw ng kanyang ilong. Ito’y malilinis lamang matapos makortehan at ma-’perfect’ ang hugis ng kanyang ilong pagkatapos sumailalim sa ilang ‘laser sessions’.

“Malaking bagay ang tulong ng inyong tanggapan at kami’y nakahingi ng medical assistance mula sa PCSO. Kung hindi sa inyo hanggang ngayon butas pa din ang mukha ng aking pamangkin at maaring pagmulan ng sari-saring impeksyon,” wika ni Amelita 

Ang inisidente nong ika-13 ng Abril ay iniwan si Eric na bulag ang kanyang kaliwang mata at isang ilong na hindi na makaamoy ng habang buhay.

Sa kabila nito si Eric at ang kanyang pamilya ay nagbibilang ng kanilang ‘blessings’. Buhay siya at naligtasan ang isang pangyayaring kung tutuusin ay isang milagro ang kanyang pagkakaligtas.

Ang resolusyon na lamang sa kaso na isinampa ni Eric laban kay Mark ang kanilang hinihintay upang lubusan nilang makamtan ang katarungan na kanilang inaasam-asam.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi rin kami mag aatubiling tumulong at ilapit muli ang problema ni Eric sa PCSO lalong lalo na ang mga bagong namumuno sa tanggapang ito katulad nila Chairman Margarita Juico at general manager na si Atty. Joselito Ferdinand “Joy” Rojas II ay nandyan upang iabot ang kanilang mga kamay kay Eric.

(KINALAP NI AICEL BONCAY)

Ang aming programa sa radyo ay bukas sa anumang talakayan para sa mga complainants na walang kakayahang magpunta sa aming tanggapan. I-text niyo lamang sa mga numerong 0921­3263166 o sa 09198972854 at sasagutin namin on-air ang in­yong problema. Ang landline 63­87285 at ang aming 24/7 hot­line 71040­38. Ma­ari din ka­yo mag­punta sa 5th floor City­State Center bldg., Shaw Blvd., Pa­sig City mula Lunes-Sabado.

* * *

Email address: tocal13@yahoo.com

Show comments