MADALAS kumbidahin ni Judge JR ang kanyang mga empleyado na sina Amy, Julie at Connie na sumama sa kanyang mga “gimmick” gabi-gabi mula alas diyes ng gabi hanggang alas kuwatro ng madaling araw. Kadalasan, nahuhuli ang mga empleyado sa trabaho o kaya ay hindi na lang papasok dahil sa sobrang puyat. Isang beses, sa pangungulit ni Judge, sumama sina Julie sa isang comedy bar sa QC kung saan tumambay sila hanggang alas-kuwatro ng madaling araw. Inihatid sila ni Judge sa kani-kanilang bahay at pagkatapos ay natulog ito sa opisina niya sa mismong korte kung saan may malaking aparador.
Matutulog siya sa kanyang opisina pagkatapos gumimik sa magdamag kasama ng kanyang mga tauhan. Kadalasan, susunduin siya ng isang colonel sa hatinggabi at babalik sila ng alas kuwatro ng madaling araw. Minsan pa nga nagyaya si Judge na sa bahay niya kumain ng tanghalian ang mga tauhan. Habang nasa bahay, binigyan ni Judge ng isang basong red wine si Connie na kunwari ay ininom nito. Si Judge din ang umubos ng laman ng baso, pagkatapos, sumali naman sila sa ibang tauhan ni Judge sa pag-inom ng gin pomelo.
Sa loob ng tatlong sunud-sunod na Biyernes, inimbitahan ni Judge ang kanyang mga tauhan na mag-inuman pagkatapos ng trabaho. Isang beses naman, dumating si Julie ng alas siyete ng gabi at naabutan si Judge na papauwi pa lamang. Sa sobrang kalasingan, nakatulog pala ito sa bangko sa labas ng korte. Nakatambak naman sa basurahan ang mga basyo ng alak.
Maraming beses din na nagpapamiting si Judge na nakasuot lang ng t-shirt, tsinelas at kupas na pantalong maong. Tinutupi pa niya ang pantalon ng lampas tuhod na akala mo ay nasa bahay lang siya. Madalas din na ang suot na damit ni Judge ay ang damit na suot niya sa nagdaang araw kaya napaghahalata na sa opisina na niya siya tumitira. Dahil sa lahat ng pangyayaring ito, nagsampa ng kasong administratibo sina Amy, Julie at Connie laban kay Judge. Inireklamo nila ang pagkilos ni Judge na hindi nababagay sa isang babaing hukom.
Hindi sinagot ni Judge ang mga paratang sa kanya at na-ngibang-bansa na lang. Dahil wala siya, dineklara na lang na isinusuko niya ang karapatan na sumagot sa kaso at magsumite ng ebidensiya upang kontrahin ang limang reklamo laban sa kanya ng mga tauhan at ng mga taong kanyang nilitis.
Napatunayan ng Korte Suprema na hindi karapat-dapat maging hukom si Judge JR. Ayon sa bagong Code of Judicial Conduct na nagkabisa noong Hunyo 1, 2004, dapat na laging tama ang kilos ng isang hukom upang mapanatili ang kaayusan sa kanyang korte. Dapat na pasensiyoso, kagalang-galang at may pinakikitang dignidad ang isang hukom sa tuwing haharap siya sa kanyang mga tauhan, sa mga kapwa abogado, sa publiko at sa mga partido ng kasong kanyang nililitis. Ganoon din dapat ang hingin niyang asal sa mga taong kanyang kasalamuha. Mawawala ang respeto ng kanyang mga tauhan habang nakikita siya na gumigimik gabi-gabi. Tuloy ay naaapektuhan pati pagtingin nila sa Hudikatura.
Isa pa, ang ginagawa ni Judge JR na pagyaya sa kanyang mga tauhan na gumimik sa gabi na dahilan kung bakit late o kaya ay absent ang mga tao ay nakaka-apekto sa layunin ng korte na mabilis na pag-usad ng kaso na siyang layunin ng Korte. Nakalagay sa Section 1 ng bagong Code of Judicial Conduct na sa lahat ng kanyang ginagawa, dapat iwasan ng isang hukom na kumilos ng hindi tama. Lagi silang nasa mata ng publiko at kailangan nilang tanggapin ang personal na limitasyon na dinudulot ng trabaho. Dapat lagi nilang isipin ang kapakanan ng korte.
Tinanggal si Judge sa trabaho, kinumpiska ang lahat ng kanyang benepisyo maliban sa naipon na leave credits. Hindi na siya puwedeng maging judge muli o lumipat sa ibang sangay ng gobyerno (Flordeliza et. Al. vs. Reyes etc., A.M. No. MTJ-06-1625, September 18, 2009, 600 SCRA 345, 364).