Urong-sulong na suwerte
MABUTI naman at tinanggal na ng Amerika ang ban sa pagkuha ng US licensure examinations ng mga graduate ng Physical Therapists dito sa Pilipinas. Ginawa ang pagbabawal dahil sa takot na maraming nagkakalat ng mga leak sa licensure examinations dito, kaya hindi naman karapat-dapat ang mga nakapasa. Sa madaling salita, ayaw ng Amerika tumanggap ng mga nandaya lang para makapasa at baka kung ano pa ang mangyari sa kanilang mga pasyente kapag nagtatrabaho na.
Ganun kasama ang naging epekto ng pandaraya sa Nursing Licensure exams noong 2006. Nagkaroon na rin ng duda ang Amerika sa licensure exams ng Physical Therapy noong 2007 na naging sanhi ng ban. Pero wala raw silang makuhang ebidensiya na nandaya nga ang mga kumuha. Masama na nga ang imahe ng bansa sa maraming bagay katulad ng korapsyon, human rights, peligro sa mga mamamahayag dahil sa Maguindanao massacre at kailan lang, yung kapalpakan sa Quirino Grandstand. Magagaling ang mga graduate ng Physical Therapy natin, kaya malaking tama sa kanila ang hindi makapag-eksaminasyon sa Amerika ng panahon na iyon. Ginawang limang taon na nga ang kurso ng Physical Therapy na dating apat na taon lang, para makapag-kumpetensya sa mga nagtapos sa ibang bansa. Salamat at nawalan ng problema ang mga PT natin.
Ang mga graduate naman ng nursing ang sana ma-bigyan na ng mga trabaho bilang nurse sa ibang bansa. Napakaraming graduate ng nursing na nagtatrabaho na muna sa kung saan-saan katulad ng call center, transcrip-tion at proof-reading para lang hindi masayang ang oras. Hindi pa kasi matanggap bilang nurse sa Amerika at may backlog pa ang application ng mga foreign nurses dahil sa inabot na ang mga quota. Kung dati ay ito ang pinaka-pinapasukan na kurso, ngayon sobra-sobra naman sila. Pati nga mga duktor nag-nursing din dahil sa ganda ng kita nila sa Amerika. Yun naman ang medyo hindi ko maintindihan, pero kanya-kanya lang naman talagang diskarte.
Pero bumababa na rin ang halaga ng dolyar sa piso, kaya ang mga gustong magtrabaho sa ibang bansa ay tinatamaan na rin dahil dito. Ang sabi pa ng mga eksperto ay baka bumaba pa! Hindi na rin magiging kaakit-akit ang magtrabaho sa ibang bansa, lalo na kung malalayo lang sa mga minamahal sa buhay. Minsan talaga, urong-sulong ang suwerte.
- Latest
- Trending