MANILA, Philippines - Napag-Usapan namin ng aking anak na si Sen. Jinggoy Ejercito Estrada ang tungkol sa isang recruitment agency na sangkot sa “large-scale human trafficking of Filipino workers” patungo sa US. Tinukoy ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz ang ZDrive Inc. recruitment agency na umano’y nambiktima nang umaabot sa 24 na Pinoy na pinangakuan ng lucrative jobs sa US.
Sa sumbong ng mga biktima, noong 2009 ay ni-recruit sila ng nasabing kompanya para sa umano’y trabaho na may malaking suweldo sa isang kumpanya sa US. Napakalaki ng kinolekta sa kanilang visa application fee, placement fee, medical fee at iba pang mga bayarin pero napilitan silang sumuong dahil sa kanilang paghahangad na makakuha ng magandang trabaho sa US.
Pero pagdating umano sa US, ipinasok sila ng naturang kompanya sa mga trabahong napakaliit ang suweldo na masyadong mababa kumpara sa itinatakdang minimum wage sa US. Ang masama pa umano, isinalang sila sa napakabigat na trabahong parang alipin ang turing sa kanila. Pati umano ang kanilang working condition ay matuturing na “sub-human and sub-standard” kung saan ay pinatira sila sa mga trailer na walang supply ng tubig at kuryente habang nagtatrabaho sila sa gitna ng kabundukan.
Ipinangako ni Jinggoy na masusi niyang aalamin ang lahat ng mga detalye ng usaping ito upang makagawa siya ng kaukulang aksyon hinggil dito. Iginiit ni Jinggoy na patuloy siyang tutulong sa mga hakbangin laban sa human trafficking at iba pang uri ng pambibiktima sa mga ating mga manggagawa.