Katwirang baluktot ng pulisya, ituwid
Nu’ng nakaraang linggo sapilitang isinakay ang dalawang magkapatid na babae sa isang van sa Quezon Avenue, QC. Madaling-araw noon at nag-aabang sila ng sasakyan mula sa trabaho sa kalsadang tambayan ng prostitutes. Nakatakas ang isa sa magkapatid; na-gang-rape ang ikalawa. Anang imbestigador, “Napagkamalan siguro silang sex workers. Dapat hindi magpagabi sa kalsada ang mga babae.”
Kinabukasan naghatawan at batuhan ang squatters at demolition men sa EDSA, at nagka-trapik nang anim na oras, habang nanonood lang ang riot police. Anang lider nila, “Hindi kami kumilos, para walang masabing may pinapanigan kami.”
Kinalingguhan sa Maynila 47 sa daan-daang nagtsi-cheer sa bar examinees ang sinugatan ng matinding pagsabog. Anang hepe sa presinto, “Magulo ang mga tao. Dapat may batas kontra pag-inom ng alak sa kalye.”
Ano ang mali sa mga larawang ‘yon? Lahat! Para sa kaalaman ng pulisya, hindi komo sex worker ay maari nang gahasain. At tungkulin ng patrolya protektahan ang mga papasok o pauwi sa trabahong night shift, lalaki man o babae, halimbawa sa call center. Tungkol sa riot, dapat pumanig ang pulis — sa batas at kaayusan. Inilisan man lang sana nila ang daan-daan-libong commuters mula sa trapik. Tungkol naman sa pagsabog, meron nang batas kontra sa paglalasing sa publiko, pero ang isyu rito ay kung sino ang nagpasabog.
Dapat ituwid ang katwirang baluktot ng pulisya, para magserbisyo sila sa mamamayan. Ipasok sa isip nila ang katapatan sa tungkulin, imbis na puro palusot. Halimbawa, ilan taon na nila sinasabi na mahigit 500,000 ang loose firearms. Kalahati umano nito ay nasa kamay ng mga kriminal at rebelde, at kalahati ay nasa civilians.
Tiyak kabilang sa mga nasa civilians ang mga official-issue guns na hindi na sinoli ng mga nagretiro o sinibak na pulis.
Kabilang na rito ang M-16 rifle at 9-mm. pistol na ginamit ni hostage taker-police captain Rolando Mendoza.
- Latest
- Trending