TUTULONG daw ang Amerika sa Pilipinas para sa pagsasanay ng mga pulis para sa mga sitwasyon katulad ng naganap sa Quirino Grandstand noong Agosto 23, kung saan nakita ng buong mundo ang kapalpakan ng ating mga opisyal at SWAT sa paghawak sa hostage crisis at rescue. Halos isa’t kalahating milyong dolyar ang ibibigAy ng Amerika sa atin, para magkaroon tayo ng mga maaayos na kagamitan at para sa pagsasanay ng isang matinding grupo laban sa mga hostage-taker sa sari-saring sitwasyon. Sana noong isang taon pa ginawa ito at baka naiba ang resulta ng mga pangyayari noong Agostong iyon.
Mahirap talaga kapag umiral na ang pagmamataas kaysa sa pagkumbaba. Kapag masyadong mataas ang tingin sa sarili na hindi naman tugma sa kakayahan. At ganun na nga ang naganap sa Luneta. Pinilit ng MPD SWAT na sila na lang ang susugod sa bus kung saan bihag ni Mendoza ang mga turistang tiga-Hong Kong, at hindi pinaubaya na lang sa PNP-SAF na nandun na rin sa eksena.
Kung handa rin lang tumulong ang Amerika para gumaling ang kapulisan natin sa mga sitwasyong may mga bihag, lubus-lubusin na ang inaalay na tulong. Bilhin ang mga tamang kagamitan, lalo na mga baril at kasuotang pang kaligtasan. Mga bagong gamit na wala tayo katulad ng mga stun grenades o flashbang kung tawagin, mga magandang night vision, matitinding kagamitan para sa mga sniper at higit sa lahat, tama at matinding training. Pero bago ang lahat, kailangan bukas sa pagsasanay ang mga magiging miyembro ng grupong ito. Kadalasan ay umiiral kasi ang yabang at sobrang pagkakabilib sa sarili, kaya ayaw tanggapin na may magtuturo pa sa kanila!
Piliin nang mabuti ang mga magihging miyembro ng grupo. Mga nasa magandang kundisyon ang katawan, walang bisyo, may interes para matuto at determinasyon kapag napapasabak na. At walang ugaling maangas o maybang. Nakakalungkot sabihin, pero marami sa mga hanay ng pulis ang babagsak na kaagad kapag angas at yabang na ang tatanggalin. At siguraduhing mapupunta sa tama ang lahat ng pondo na ibibigay sa Pilipinas. Baka naman kung saan-saan lang mapunta! Sa tingin ko naman sa administrasyong ito, magagawa lahat iyan.