NGAYONG Oktubre ay pagpapagunita sa pagdarasal ng Santo Rosario. Ito ang araw-araw na panalangin kay Maria katulad ng ating alay na bulaklak ng rosas upang ihingi tayo kay Hesus ng awa at biyaya. Santa Maria, Ina ng Diyos ipanalangin mo po kami!
Sa aklat ni Hababuc ay sinasabi sa atin ng Panginoon na ang hambog ay nabibigo sa kanyang kapalaluan, ngunit ang matuwid ay nabubuhay sa kanyang katapatan. Maging si Pablo ay nagpaalaala sa mga nangangaral ng Salita ng Diyos lalo sa kaparian na maging masigasig sa pagtupad sa tungkulin. Sila’y pinatungan ng kamay ayon sa pagkakatalaga ng Espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili. Hindi ito ang espiritu ng kaduwagan.
Hingin din natin kay Hesus na dagdagan ang ating pananalig sa Ama na maging kasinlaki man lamang ng butil ng mustasa. Sa ating pananalig sa Diyos ay patuloy tayong maglingkod sa Kanya. Isapuso natin na tayo ay Kanyang pinagkakatiwalaan. Ang araw-araw nating pamumuhay: ang pasasalamat sa Diyos, mga gawain sa pamilya, mga trabaho, hanapbuhay at paglilingkod ng kabutihan ng kapwa ay pagsikapan nating tupdin sapagka’t ito ang ating tagumpay at kabanalan.
Tayo’y pag-aari ng Diyos. Wala tayong maipagmamalaki kaninuman manapa’y ang ating pagpupuri at pagsunod sa Kanya. Gawin natin tuwina ang ipinag-uutos sa atin sapagka’t tayo’y mga aliping walang kabuluhan; tumutupad lamang tayo sa ating tungkulin.
Sariwain natin ang mga banal na ginugunita ngayong buwan ng Oktubre. Sila’y nagtanim din ng butil ng mustasa na sa kaliitan ng kanilang paglilingkod sa Diyos ay ginantimpalaan sa kalangitan. Si Santa Teresita de Jesus (St. Therese of the Child Jesus) ay naglingkod sa Diyos ng kanyang patuloy na pana-nalangin sa loob ng monasteryo at pagtitiis ng kanyang sakit na TB. Lahat ng ito ay inialay niya sa ating Panginoon.
Nariyan din si San Fransisco ng Asissi na itinakwil ang kayamanang makalupa. Siya’y naglingkod sa kapwa na mahihirap at maysakit upang makamtan niya ang kayamanan sa kalangitan. Noong araw silang mayayaman ang namimigay upang maglingkod sa kapwa at simbahan. Ngayon naman maraming naglilingkod para yumaman sa salapi at kasikatan. Sino po sila!
Habacuc 1:2-3, 2:2-4; Salmo 94; 2Tim 1:6-8, 13-14 at Lk 17:5-10