NATALISOD ko sa Internet ang dalawang kakaibang talumpati na ito. Ang una, mula kay Coca Cola ex-CEO Bryan Dyson, marahil ang pinaka-maikling inspirational speech ng isang top executive sa mga kawani: 30 segundo lang. Ani Dyson:
“Ang buhay ay parang nagda-juggle ka ng apat na bola sa ere. Ito ang Trabaho, Pamilya, Kalusugan, at Kaibigan; lahat sila iniitsa mo sa ere.
“Hindi maglalaon, mababatid mo na ang Trabaho ay bolang goma. Kung mabitawan mo, tatalbog lang. Subalit ang tatlong bola — Pamilya, Kalusugan, Kaibigan— ay gawa sa kristal. Kung mabagsak mo, maari magkapingas o mabasag. Hindi na maibabalik sa dati. Dapat maintindihan mo ‘yan, at pakaingatan mo.
“Magtrabaho mabuti sa opisina, pagkatapos ay uma-lis sa tamang oras. Maglaan ng sapat na panahon sa pamilya, kaibigan, at pahinga.”
* * *
Sa ikalawang speech ibinahagi ni Harvard Prof. Clayton Cristiansen ang analysis ng isang exchange professor mula Communist China. Isang dekada sinuri ng Tsino ang demokrasya at kapitalismo sa America. Nabuo ang kanyang pananaw na relihiyon ang buod ng sistema sa U.S., pero hindi ito napapansin ng mga Amerikano. Anang propesor mula China:
“Sa inyong kasaysayan karamihan ng Amerikano’y nagsisimba kada linggo. Ginagalang na mga institusyon ang simbahan at synagogue. Itinuturo ng relihiyon, at umugat sa utak ng Amerikano, ang pagsunod sa batas at paggalang sa pag-aari ng iba, kaya hindi dapat magnakaw. Pangaral nila na masama magbulaan. Naniwala ang mga Amerikano na miski walang pulis, mahuhuli pa rin ng Diyos ang paglabag nila sa batas. Gumagana ang demokrasya dahil boluntaryong sumusunod sa batas ang karamihan ng mamamayan. Gay’un din ang kapita-lismo. Itinuturo sa simba-han na maging matapat kayo sa inyong salita, at huwag manloko. Umunlad kayo dahil sa tiwala sa isa’t isa na tutupad sa binitiwang salita.”