EDITORYAL - Ligtas na lugar sa mga kukuha ng bar exams
HINDI na dapat maulit ang nangyaring paghahagis ng granada sa Taft Avenue sa tapat ng De La Salle University kung saan ginaganap ang taunang bar exams. Sa nangyaring paghahagis ng granada, isang babaing law student ang naputulan ng dalawang paa. Mahigit 40 katao ang nasugatan sa insidente na itinaon na nagkakasayahan ang mga bar examinees at kanilang supporters dakong alas singko ng hapon noong Linggo. Huling Linggo iyon sa pagkuha ng bar exams.
Ayon sa pulisya, posibleng ang pagpapasabog ay dahil sa away ng magkalabang fraternity. Isang lalaki raw ang nakitang naghagis ng granada sa lugar kung saan nagkatipun-tipon ang mga miyembro ng kalabang fraternity. Isang lalaki na nakasuot ng t-shirt na may naka-print na pangalan ng fraternity ang hinabol ng mga nakasaksi sa pagpapasabog. Pero tinanggi naman ito ng lalaki.
Ang Supreme Court man ay nagsabing “frat war” ang dahilan ng pagpapasabog. Nagsagawa na kahapon ng sariling imbestigasyon ang SC sa nangyaring pagpapasabog. Lahat daw ng anggulo ay kanilang sisilipin at kapag daw napatunayang ang sangkot sa pagpapasabog ay law student, sasampahan agad ng kaso. Hindi hahayaang makakuha ng bar exam ang sinumang kasangkot sa bombing. Nangako ang SC na makakamit ng mga biktima ang kataru-ngan, particular ang babaing law student na naputulan ng paa. Maski si President Aquino ay nakisimpatya sa babaing biktima at inatasan ang PNP na agarang dakpin ang may kagagawan ng pagpapasabog.
Isa sa magandang paraan para hindi na maulit ang madugong pangyayari ay gawin ang bar exam sa isang ligtas na lugar. Isang lugar kung saan ang lahat ng mga papasok ay dadaan sa masusing pagrekisa ng mga security. Ang Taft Avenue ay delikadong lugar kung saan maaaring maganap ang lahat ng kinatatakutan. Mayroon lang umakyat sa LRT at maghulog ng bomba o granada ay tiyak nang malagim ang susunod. Maaari ring maghagis ng granada ang nakasakay sa dyipni. Masyadong delikado ang lugar sapagkat ang may masamang tangka ay puwedeng makihalubilo. Hindi na sana hayaang maulit pa ang pangyayari. Ang SC ang dapat na responsible sa lugar na pagdarausan. Tama na ang nangyaring kaguluhan.
- Latest
- Trending