NATIONAL Seafarer’s Day ngayon. Ito ay taunang pagdiriwang at panalangin sa mga manlalakbay sa karagatan upang sila ay maging ligtas sa malaking alon, mga sakuna at mga pirata. Nawa’y maging tapat ang buong pamilya sa pag-ibig at pagkakaisa lalung-lalo na sa kanilang kadalasang pagkakahiwalay.
Ang buod ng mga pagbasa ngayon ay ang kadalasan nating kasalanan. Ito ay ang hindi natin paggawa ng kabutihan sa kapwa. Sabi ng Panginoon na kahabag-habag kayong namumuhay nang maginhawa, nahihiga sa magarang kama, nagpapakabusog sa masarap na pagkain. Tulad sa pagkawasak ng Israel ay matitigil din ang mga piging at kasayahan.
Upang maiwasan natin ang kasamaan patuloy tayong maglingkod sa Diyos at sa kapwa. Mamuhay sa katwiran, kabanalan, pananalig, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan. Ito ang tagubilin ng Diyos. Panatilihin nating mabisa at walang kapintasan hanggang sa pagdating ng Panginoon. Siya lamang ang walang kamatayan, ang naninirahan sa liwanag na di matitigan. Lagi kong napapaglimi na ang pintuan ng langit ay ang Haring Araw. Kailanman ay hindi natin ito kayang titigan.
Ang ebanghelyo ay tungkol sa isang mayaman at sa pulubing si Lazaro. Marangya ang pananamit ng mayaman at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. Ang pulubi naman ay tadtad ng sugat, namumulot ng mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman para makakain. Namatay ang pulubi at dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay din ang mayaman at inilibing. Nagdusa siya sa Hades, lugar ng mga apoy. Tumingala at natanaw sa malayo si Abraham kapiling si Lazaro, nagsumamo ng habag upang utusan si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at palamigin ang dila niya. Sinagot siya ni Abraham na wala na silang puwang na pag-ugnayin. Noon sila ay nasa lupa magkakilala na sila subalit hindi niya pinansin ang mahirap at sugatang pulubi.
Sa istorya ay kilala ng mayaman si Lazaro “utusan po ninyo sa Lazaro” at ngayon lamang niya na-bigyang pansin noong siya ay naghihirap sa apoy na walang hanggan. Walang nagawang kasalanan ang mayaman kay Lazaro, su-balit ang pinakamalaking kasalanan niyang nagawa ay ang pagwawalambaha-la sa kabutihan sa kapwa.
Amos 6:1a,4-7; Salmo 145; 1Tim 6:11-16 at Lk 16:19-31