'Doble pasada'
KUNG kayang kunin sa isang buhos lamang ang isang bagay bakit kailangang ulitin pa ang pagdurusa.
Si Bobby Cariño Jr., 24 na taong gulang ay nagsadya sa amin na nagrereklamo ang malungkot na sinapit ng kanyang BAYAG.
Nirereklamo ni Bobby o “Bob” sina Dr. Jose Macario Faylona at nakilala niyang si Dr. Salazar, mga surgeons ng Philippine General Hospital (PGH) na umano’y tumingin sa kanya.
Laking Iriga City si Bob. Nasa elementarya palang siya ng minsang nakapa niya sa kanyang bayag na parang may kakaibang laman na tumutubo. Parang mga pumupulupot na balat. Ito’y inihambing niya sa bituka ng manok.
Pinaalam niya ito sa mga magulang. Hirap sila sa buhay kaya’t ang nasabi ng ina, “Saka mo na lang patingnan ’yan anak kapag meron na tayong pera.”
Tiniis ni Bob ang kanyang nararamdaman. Tinanong siya ng aming senior staff na si Monique Cristobal kung anong pakiramdam. Mabilis naman itong sumagot na parang may maling bagay na lagi niyang bitbit na nakalagay sa kanyang kaliwang bahagi ng bayag.
Hinayaan na lamang niya ang pakiramdam na ito at dinala niya ng ilang taon. Nagsikap si Bob at kumuha siya ng two-year vocational course na Hotel and Restaurant Management (HRM).
Taong 2007, nang maka-‘graduate’ si Bob lumuwas siya ng Maynila. Napag-alaman niya na nangangailangan ng mga care givers sa iba’t ibang parte ng mundo at malaki rin naman ang sahod ng care givers. Ito ang dahilan kung bakit nagmadali siyang kumuha ng kursong ‘care giving’ sa PhilCanadian, Makati.
Habang siya’y nag-aapply na care giver nagtrabaho muna siya bilang kahero sa Kenny Rogers.
“Alam ko kasi na kailangan kong magbayad ng placement fees at iba pang pagkakagastusan sa sandaling lumapit ako sa isang agency. Kailangan ko rin ng panggastos habang ako’y nasa Maynila,” sabi ni Bob.
Itong taong na ito nakatanggap siya ng alok mula sa kanyang tiyahin na magtrabaho bilang care giver sa Canada. Mabilis niyang pinaayos ang mga papeles. Ang una dito, kailangan niyang magpa-medical examination.
Nagpunta siya sa PGH. Nagpa-eximane siya nakita umanong meron siyang umbilical hernia (luslos sa ilalim ng kanyang bituka). Iminungkahi sa kanyang kailangang operahan ito at tanggalin ang kanyang luslos dahil maaring mabarahan nito ang kanyang bituka.
Nakatatlong check-up pa si Bob bago ang operasyon. Ayon kay Bob, pinapili siya kung anung operasyong gagawin. Hiwa ba o laparoscopic.
Nagdesisyon si Bob na sumailalim sa laparoscopic hernioplasty procedure. Ito’y hihiwa ng maliit sa magkabilang tagiliran at dun mo malalaman kung anung dapat gawin para magamot ang luslos. Medyo may kamahalan subalit dahil PGH naman siya ang babayaran niya lang ay miscellaneous fee.
“Tuldok lang raw ang peklat ng operasyon sabi ng doktor. Humigit kumulang Php15,000 lang ang magagastos ko kaya okay na rin,” sabi ni Bob.
Ika-4 ng Hunyo 2010 sumalalim si Bob sa isang operasyon. Ayon kay Bob, isinagawa ang operasyon nila Dr. Faylon at Asst. Dr. Salazar. Mula Biyernes hanggang Lunes siya na-‘confine’ sa PGH.
Isang araw bago siya lumabas sa ospital kinausap umano siya ni Asst. Dr. Salazar. “Malinis naman ang bituka mo. Wala ka namang luslos...” umano’y sabi ng doktor.
Tinanong ni Bob kung ano ang kanyang sakit? Sagot naman umano sa kanya, kailangan niyang magpa-ultra sound.
Hunyo 14, bumalik siya sa PGH. Sira ang ultrasound device nun kaya’t sa United Clinic, tapat ng ng PGH siya nagpunta.
Base sa isinagawang ultrasound result ni Sinologist Hilda D. G Basan, ‘varicocoele’ (isang ugat na tumambok sa bayag) lang umano ito at hindi luslos.
Nung araw ding yun bumalik sa PGH si Bob para dalhin ang result sa Urology Section. Nakausap niya umano dito si Sr. Dr. Raymond Cablitas.
Isang operasyon na naman umano ang kakailanganin ni Bob. Tatanggalin daw ang ugat sa kanyang ari.
“Panibagong hiwa na naman daw sa aking kaliwang puson ang gagawin. Napaisip ako, ‘huwag nalang muna kaya?”, wika ni Bob.
Sa ngayon, nilagyan na umano ang kanyang pusod ng tinatawag na ‘mesh’ upang mapigilan na tuluyang lumala ang kanyang kondisyon.
“Wala naman akong luslos... pero nalagyan na ko ng mesh...Nagkamali ang findings sa akin,” reklamo ni Bob.
Gustong malaman ni Bob ang karapatan niya sa umano’y maling ‘findings’ at ‘wrong surgical procedure’ na isinagawa sa kanya kaya naisipan niyang lumapit sa aming tanggapan.
Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 KHZ (tuwing 3:00 ng hapon) ang istorya ni Bob.
Upang kami’y maliwanagan kung anu ba ang tunay na medical condition ni Bob tinawagan namin si Dr. Macario V. Faylona.
“Hindi pwedeng walang luslos yan. Hindi naman lalagyan ng mesh kung walang luslos. Ang posibleng nangyari dyan hindi lang naintindihan ni Bob ang paliwanag ng Asst. Doktor,” paliwanag ni Dr. Faylona.
Sinugest nitong Doktor na papuntahin sa kanyang kilinik si Bob upang mapaliwanag niya ito ng maayos.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sinaliksik ng aming mga staff kung anu ang ginawa dito kay Bob. Natuklasan namin na ang laparoscopic herniaplasty procedure ay pagsasaayos ng luslos sa may bandang bituka sa pamamagitan ng isang pagtitistis na pagsasaayos gamit ang Gore-Tex Mesh upang maiwasan ang mga pagluluslos. Ang basa namin sa usaping ito maaring tama itong si Dr. Faylona ng sabihin niya na walang mali sa kanilang ginawa kay Bob. Tama din siya na baka nagkulang lang sa paliwanag kay Bob kung ano ang medical condition nito na kanilang ginamot. Sa kabilang banda, isang bagay ang hindi namin pwedeng iwanan na lamang. Tatlo-tatlo atang doktor sa PGH ang tumingin kay Bob. Bakit hindi nakitang may varicocoele siya at kailangan pang tanggalin ang ugat? Andun na siya sa operating room, nilagyan na siyang ng ‘anesthesia’ kung yan ay nakita agad di sana sabay-sabay na nilang ginawa yan at isang gastusan na lamang. Ang nangyari ngayon, sasailalim na naman siya sa isang operasyon para tuluyang magamot ang kanyang luslos. Pobreng Bob nailagay siya sa isang ‘lose-lose situation’... ay luslos pala.
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
SA gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854. Ang landline 6387285 at ang aming 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
- Latest
- Trending