Ano ang susunod na gagawin?
NILABAS na rin ng Palasyo ang laman ng ulat ng IIRC hinggil sa hostage-taking noong Agosto 23. At sa desisyon ng IIRC, labindalawang tao at tatlong network ang may pananagutan sa nangyari. Kasama na rito ang limang opisyal ng gobyerno, limang opisyal ng pulis at dalawang mamamahayag. Lahat sila ay nirekomendang kasuhan sa iba’t ibang dahilan at bigat ng pananagutan. Pahayag ni President Aquino, pag-aaralan daw niya ng mabuti ang ulat, at gagawa ng desisyon pagbalik niya galing opisyal na bisita sa Amerika. Kasama sa mga mananagot ay si Usec. Rico Puno ng DILG at dating PNP Chief Jesus Verzosa, na pareho ring dinadawit ngayon sa jueteng. Binigyan na rin daw ng kopya ang embahada ng China.
Narinig natin ang mga testimonya kung saan naghugas-kamay na muna ang lahat, bago unti-unting umamin sa pagkukulang, maliban lang sa ilang tao na nagpahayag na wala silang ginawang mali. Pero ang pinaka-malaking epekto rito ay ang pagsama ng ilang mamamahayag at ng tatlong network sa mga rekomendadong kasuhan dahil sa kanilang ginampanan sa hostage crisis.
Ano na ang magiging katayuan ng media rito? Kung sakaling kasuhan nga sila, makukulong ba sila dahil lang sa pagganap ng kanilang tungkulin at pangako sa publiko na maibigay ang lahat ng impormasyon ukol sa anumang kaganapan? O magbabago na ba ang patakaran sa pag-cover at pag-report sa mga similar na pangyayari? O ngayon pa lang ay kumikilos na ang media para magkaroon ng opisyal na patakaran at katayuan sa mga ganyang sitwasyon? Aminado ang media na may mga pagkakamali silang nagawa, at nangakong babaguhin ang kanilang patakaran.
Kasalanan na rin ito ng reality TV, kung saan uso na ang paglagay sa TV ng “live” ng mga buhay ng tao, anuman ang kanilang ginagawa. Malusog na malusog na ang kultura ng usisero, maninilip pa nga, sa lahat ng pangyayari sa tao. Kung noon ay medyo kailangan pang magpaalam bago kunan ang isang tao, ngayon, sige na lang nang sige, kahit ano pa ang nangyayari! Kaya nang makatikim ang publiko ng ganitong klaseng pag-uulat, ito na rin ang hinahanap. Palasyo pa rin ang may huling salita sa masalimoot na isyung ito. Pero kung susundan ng Palasyo ang rekomendasyon ng IIRC na kasuhan ang media, tiyak na matagal at madugo ang magiging labanan.
- Latest
- Trending