SA 14 pa lang na state firms ay 37% na ng 2011 national budget ang mauubos. Mahigit P532 bilyon mula sa panukalang P1.441 trilyon ang mapupunta sa kanila. Pero miski sa gan’ung higanteng halaga, pinutol na raw ang subsidies ng: National Food Authority, Metropolitan Waterworks and Sewerage System, Light Rail Transit Authority, National Reclamation Authority, National Electrification Administration, Local Water Utilities Administration, Philippine Economic Zone Authority, Philippine National Railways, Philippine Ports Authority, Home Guaranty Corp., National Housing Authority, National Irrigation Administration, Philippine National Oil Co., at National Power Corp. (kasama ang spin-offs na Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. at Transmission Corp.).
Repasuhin sana mabuti ng Malacañang ang pagputol sa subsidies. Ilan sa mga ahensiyang ito ay dapat na talaga lansagin, at gawin na lang seksiyon ng kung anong departamento. Pero ilan din sa kanila ay dapat lakihan ang papel. Ehemplo ng una ang MWSS-Corporate Office, at ng ikalawa ang NFA.
Isina-pribado na sa dalawang concessionaires ang pag-distribute ng tubig sa Greater Manila. Tinitiyak na lang ng MWSS-Regulatory Office na mahusay ang serbisyo nila sa tamang singil sa customers. Inabuso lang ng board of trustees ng MWSS-Corporate Office ang subsidy nila. Bukod sa buwanang P98,000 na per diem, binalatuan nila ang sarili ng 25 pang bonus na tig-kasing laki. Nag-imbento sila ng kung ano-anong bonus: Christmas, pre-Christmas at post-Christmas bonus; midyear at yearend bonus; agency anniversary at privatization anniversary bonus, hazard pay (huh?), atbp.
Tungkulin naman ng NFA na bumili ng palay sa mas mataas na halaga kaysa private traders, para matulungan ang maliliit na magsasaka. Trabaho rin nito na magbenta ng bigas sa mas murang halaga kaysa tindera sa palengke, para matulungan ang maralitang taga-lungsod. Kung wala na ang NFA, sino ang magtatanggol sa magsasaka at mamimili?