Laman ng envelope

ANO kaya ang laman ng envelope na isinumite ni Justice secretary Leila de Lima kay President Noynoy Aquino? Ito na kaya ang kasagutan upang maibsan ang galit na nadarama ng mga taga-Hong Kong matapos ang madugong hostage drama? Marahil ay hindi dahil bitin ang imbestigasyon ng Incident Investigation and Review Committee matapos na naging tikom ang bunganga ni Deputy Ombudsman Emilio Gonzales 111 na isa sa pangunahing dahilan kung bakit nag-alburuto ang hostage-taker na si Senior Insp. Rolando Mendoza.

Matatandaan na kaya lalong nagulo ang negosasyon noong August 23 nang makausap umano sa telepono ni Mendoza si Gonzales na ayon sa pahayag ng mga negosyador na muk­hang hindi nagustuhan ang hinihinging P150,000 para sa kina­harap nitong kaso. Maging ang kapatid ni Mendoza na si SPO2 Gregorio Mendoza ay nagawang magsalita na huwag tanggapin ang sobreng galing sa Ombudsman dahil basura lamang ito. Dito na nagsimula ang pamamaril ni Mendoza sa kanyang hostage sa loob ng Hong Thai Travel Bus.

Bagamat kulang sa kagamitan at halatang nataranta ang mga Special Weapon and Tactics ng Manila Police District ay nagawa nitong sumugod upang sawatain si Mendoza na wala ng habas na pumapatay ng kanyang mga bihag. Tugma ito sa testimonya ng survivor at drayber ng bus at maging sa finding ng mga imbestigator ng Hong Kong Police. Doon na nagsimula ang kalbayo ng mga taga MPD dahil halatang hindi sila handa at sanay sa pag-atake dahil matagal nilang napasok ang bus at napatay si Mendoza na nagtatago sa loob.

 At ngayon na tapos na umano ang imbestigasayon ng IIRC kaya isinumite na nila ang kanilang finding and recommendation kay P-Noy upang maaksyunan at maparusahan na ang mga sangkot dahil naiinip na rin ang mga taga-Hong Kong. At dahil sa abala na rin si P-Noy sa pag-impake ng kanyang mga bagahe patungong United State tiyak na mabibitin ang sam­bayan sa magiging resulta. Di ba mga suki! Abangan na lamang natin sa pagbalik ni P-Noy sa bansa at baka makikilala na natin kung sino-sino ang mapapatawan ng mabigat na kapa­rusahan. At habang nagkukuyakuyakoy si Gonzales sa kan­yang malamig na opisina sa Ombudsman mamumuo tuloy sa isipan ng sambayanan na may katotohanan ang balitang pangi­ngikil kay Mendoza ang ugat ng madugong hostage-taking.

Subalit hanggang kailan magtatago si Gonzales sa saya ni Merciditas Gutierrez gayong sinisimulan na rin ng mga congressman ang impeachment isyu. Kaya kayang salagin ng Supreme Court sa mga darating na araw ang pagma­matigas nila? Iyan ang ating aabangan at tutukan.

Show comments