Huwag magpauto sa jueteng

SA sugal na jueteng, lalung nagkakamal ng yaman ang dati nang masalapi at makapangyarihan. Yumayaman sa pinagsama-samang patak ng dugo ng mahihirap. Kaya ang tanong: Ang jueteng ba’y libangan ng mga mahihirap o minahang ginto ng mga gahaman?

Maraming tumataya sa jueteng lalo na sa mga kababayan nating mahirap. Pero matatanggap kaya nila na sa pinagsama-samang patak ng kanilang dugo ay pinayayaman ang mga gambling lords pati na yung mga kakutsaba sa pamahalaan?  Yung “maraming trabaho” na naibibigay nito ay di dapat gawing excuse kapalit ng pagpapasasa ng mga gahaman sa pawis ng maliliit.

Harap-harapan din ang pandaraya sa mga mananaya. Puwedeng manipulahin ang bolahan para kahit may ma­nalo ay hindi masyadong agrabyado ang banka. Tuwang-tuwa naman ang maralitang tumataya sa kakarampot niyang panalo. Tapos, ang milyones na kinikita ng mga gambling lords ay ibinabahagi sa mga protector nila at padrino sa gobyerno. Tanggap ba natin ito?

Sabi ng marami, hindi masusugpo ang jueteng. Totoo iyan hangga’t tinatangkilik nating mga mamamayan at kinukunsinti ng gobyerno. Huwag nang pag-usapan ang moralidad o imoralidad. Bagkus, tingnan natin ang kawalang-katarungang dinaranas ng mga biktima – ang taumbayang mananaya na nadaraya.

Nakikita natin ang mga politiko at iba pang opisyal ng pamahalaan na naliligo sa di mabilang na yaman dahil kabilang sa mga tumatanggap ng “protection money” samantalang mil­yun-milyong Pilipino pa rin ang halos walang makain sa araw-araw.

Ang susi ng pag-asenso ay hindi sugal. Wala pang mananaya na yumaman sa sugal. Ang tanging nagta­tamasa ng biyaya ay ang banka o nagpapasugal. Kung ibig nating umunlad, magsimula tayo ng kahit maliit na negosyo. Mag­tinda ng fishball at sama­lamig, magbukas ng mun­ting sari-sari store. Iyan ang siguradong walang talo basta’t may tiyaga.

Kung hindi rin lang baldado ang katawan at isip ng tao, hindi siya pu­wedeng dumanas ng hirap. Ang alam kong lalung nadiriin sa paghihirap ay yaong mga ipinagbaba­kasakali ang kapalaran sa tsansa.

Show comments