No name
SA nakaraan kong column natukoy ang NAMED at UNNAMED sa mga napapag-usapan ng lipunan. Mabuti sila – pinangalanan man o hindi, at least may pangalan. Hindi tulad ng sanggol sa basurahan ng banyo ng Gulf Air flight mula Bahrain. Wala pa rin itong pangalan. George Francis muna o “GF” gaya ng flight code ng Gulf Air.
Sino ang ina at ano kaya ang kuwento sa likod ng kanyang desisyon? Maraming gustong umampon sa pobreng bata. Napapag-usapan din ang citizenship ni George Francis. Bilang abogado, dito rin ako interesado.
Halos 100% sigurado na Filipino citizen si GF dahil ang kanyang ina ay nakatira rito. Hindi naman siguro turista si Mommy. Sa ilalim ng ating batas, kapag sinuman sa iyong magulang ay Pinoy, saan ka mang lupalop ipanganak ay Pinoy ka pa rin. Ang ganitong palakad ng pamahalaan ay batay sa prinsipyo ng jus sanguinis (right of blood).
Ang kaso’y ipinanganak nga si GF sa ibang lupalop at dahil dito ay mayroon din siyang karapatan sa batas ng ibang lupalop. Lalo na kung sinusunod ang prinsipyo ng jus soli (right of soil) kung saan ang teritoryo ng kapanganakan ang batayan ng iyong citizenship.
Saan nga bang lupalop pinanganak ang bata? Kung nasa tarmac pa lang sa Bahrain ang eroplano nang isinilang ang sanggol, ang batas ng Bahrain ang titingnan. Kaso lang, jus sanguinis ang umiiral sa citizenship laws doon. Kahit 10 beses ka pang ipanganak doon, kapag hindi Bahraini ang iyong magulang, wala kang karapatang humiling ng citizenship.
Kung sa himpapawid pinanganak si GF, puwede ring mamamayan siya ng bansang dinadaanan ng eroplano nang siya’y isinilang. Kasama sa teritoryo ng anumang bansa ang kalupaan, katubigan at himpapawirin. Kaya dapat malaman ang approximate time ng kapanganakan upang makita sa record kung nasaan sila ng oras na iyon. Saka pa lamang mapapag-aralan ang batas ng bansang iyon.
May naghahaka-haka na susundan ni GF ang nationality ng eroplanong sinakyan. Subalit depende pa rin ito sa mismong batas ng bansang nagmamay-ari sa eroplano. Bahrain ang may-ari. Alam na natin na jus sanguinis ang sinusunod doon kaya hindi rin pupuwede.
Tragedy, survival, second chances, opportunities – intere sante ang magiging buhay ni GF. Sana’y huwag sayangin ng kinauukulan ang karanasan ng kakaibang batang ito upang masiguro na ang ganitong sitwasyon ay hindi na mangyayari sa ibang mag-ina.
- Latest
- Trending