Nasa puso niya ang Panginoon

“BUKAS,” bungad ng surgeon sa bata, “ooperahan ko na ang puso mo...”

“Makikita mo roon ang ating Panginoon,” sabat ng bata.

Kunot-noo na nagpatuloy ang surgeon, “Bubuksan ko ang puso mo, para makita ko ang hangganan ng pinsala...”

“Pagbukas, matatagpuan mo ro’n ang Panginoon,” sabi uli ng bata.

Tinitigan ng surgeon ang mga magulang, na tahimik lang nakaupo. Nagtaas siya ng boses: “Kapag nakita ko na ang laki ng pinsala, tatahiin ko na ang puso at dibdib mo; saka ko paplanuhin ang susunod na gagawin.”

“Pero makikita mo nga ang Panginoon sa puso ko,” giit ng bata. “‘Yun ang sabi sa Banal na Aklat at lahat ng himno, na du’n Siya nakatira.”

Malapit nang mapuno ang surgeon. Tinigasan ang tinig: “Ito ang makikita ko sa loob ng puso mo: na­pin­salang muscles, mababang daloy ng dugo, nanghi­hinang ugat. Saka ko malalaman kung kaya kita pa­galingin.”

“Malalaman mo rin na nakatira nga ang Panginoon sa puso ko.”

Umalis ang surgeon. Kinabukasan, pagkatapos ng operasyon, nilista niya agad sa opisina ang napag-alaman: “Wasak: aorta at pulmonary vein, panghihina ng muscles. Walang pag-asa sa heart transplant o pag­galing. Therapy: pain killers, bed rest. Prognosis...” Dito siya napahinto sandali bago magpatuloy. “Patay sa loob ng isang taon.”

Binitawan ng surgeon ang pluma at tumingala: “Bakit? Bakit mo siya binigyan ng buhay para lang magkasakit at ma­matay ang bata?”

Tila may tinig na sumagot: “Ang bata, ang aking kordero, ay hindi para magtagal sa iyong kawan, kundi sa Aking kawan habang panahon...”

Nagngitngit ang surgeon: “Pero sana hindi Mo na siya binuhay kung ku­kunin Mo rin lang agad sa mundo. Bakit?”

“Sapagkat tapos na ang silbi niya, na mabuksan Ko ang puso mo.”

Napaluha ang surgeon. Tu­mu­ngo sa batang pasyente, na agad naman nagtanong, “Ano po ang nakita niyo sa loob ng puso ko?

“Tama ka,” hagulgol ang sur­geon, “Naroon Siya ... ang Pa­nginoon.”

Show comments