HABANG tumatagal, umiinit nang umiinit ang trial sa karumal-dumal na Maguindanao massacre. Noong nakaraang linggo, sinabi ng witness na si Lakmudin Saliao na pinag-usapan o pinlano ng pamilya Ampatuan ang pagpatay sa 57 katao kabilang ang 30 mamamahayag. Pinag-usapan daw ang plano habang naghahapunan ang pamilya. Nagkasundo raw ang buong pamilya na walang ititira sa supporters at media para wala nang makapagsumbong.
Noong Miyerkules, isa na namang lihim ang ibinunyag ng witness na si Saliao at ito ay ang milyong piso na ipinangsusuhol sa mga opisyal ng gobyerno, pulis, testigo para umatras o tumahimik sa mga nalalaman sa kaso. Sinabi ni Saliao na P10-milyon ang ini-offer ni Andal Ampatuan Sr. kay police Inspector Sukarno Dukay para bawiin nito ang naunang testimonya. Sampung milyon din ang ini-offer umano ni Andal Sr. kay PO1 Reiner Ebus para bawiin din nito ang testimonya na nagdidiin kay dating Datu Unsay mayor Andal Ampatuan Jr.
Ang matindi pa ay ang suhol na P20-milyon sa isang board member ng Maguindanao para lamang masiguro ang kaligtasan ni Andal Sr. habang nakakulong sa Camp Panacan. Habang nasa detention si Andal Sr. ay malaya raw umano itong nakagagamit ng cell phone. Ayon pa kay Saliao, milyong piso rin naman ang natanggap ni dating presidential adviser on Mindanao affairs Jesus Dureza. Tumanggap din daw ng suhol ang apat na NBI agents sa Davao para makipag-ugnayan sa NBI-Manila upang masiguro na babawiin ng witness na si Reiner Ebus ang unang testimonya. Ang milyong pisong pangsuhol ay pinamahagi umano ng isang pinagkakatiwalaang aide ni Andal Sr.
Kung totoo ang mga ibinunyag ni Saliao, nakapag tataka kung saan galing ang sandamukal na pera ni Andal Ampatuan Sr. Gaano na lamang ba ang suweldo ng governor? Maski pagsama-samahin pa ang suweldo ng kanyang mga anak na mayor at ARMM governor, hindi pa rin aabot sa laki ng perang umano ay isinuhol. Habang marami sa mamamayan ng Maguindanao ang naghihirap at walang makain, marami naman palang pera ang kanilang mga pinuno. Dapat ding malaman kung saan nanggaling ang pera ng mga Ampatuan. Kailangang ma-audit ang kanilang yaman.