Mga niños inocentes!
ANO ba ang nangyayari at mga patay na sanggol naman ang nag-uusbungan kung saan-saan! Nagsimula ito nang may isang sanggol na natagpuan sa basurahan ng Gulf Air. Mabuti at natag puan ng isang taga-linis. Pinagkaguluhan at gustong ampunin nang marami! Hindi pa malinaw kung ang sanggol ay ipinanganak sa eroplano o patagong binitbit ng nanay at iniwan na lang sa eroplano. Kung nanganak sa eroplano, bakit walang nakapansin na mga pasahero! Pero natutukoy na ang ina at ang sanggol naman ay hawak na ng DSWD. May tatlong buwan umano ang ina para tubusin ang sanggol, kung sakaling magbago ang isip. Pinangalanan ang sanggol na George Francis.
Sunud-sunod naman ang natagpuang sanggol. Isang sanggol ang natagpuang patay na sa loob ng isang banyo sa isang pampasaherong barko. Iba naman ang kuwento. Napaihi ang nanay nang biglang isilang daw ang sanggol na tumuloy sa inidoro! Nag-panic at binalot na lang sa plastic at iniwan. Nang balikan ang sanggol, huli na. Kakasuhan naman ng infanticide ang nanay.
Dalawang sanggol pa ang natagpuang patay. Nilagay na lang sa mga plastic bag at iniwan sa dalawang magkahiwalay na simbahan. Malamang nilaglag ang mga sanggol ng mga babaing hindi pa raw handa maging ina. Nilagay sa tabi ng mga simbahan para pampalubag loob na lang sa kanila, at siguro para ilapit sa Diyos ang mga kaluluwa ng mga sanggol. Ewan ko, pero impiyerno na siguro ang babagsakan ng mga inang gumawa nito! Walang kalaban-laban ang mga sanggol, at hindi man lang nabigyan ng pagkakataong mabuhay. Marami namang tumatanggap ng mga sanggol na hindi kayang palakihin ng mga ina o magulang. Hindi kailangang patayin pa!
Alam ko may iba’t ibang pananaw dito, pero para sa akin, malaking kasalanan sa Diyos ang pumatay ng sanggol. Dapat magbago na rin ang tingin at kaugalian ng lipunan hinggil sa mga nabubuntis na babae, may asawa man o wala, para hindi nalalagay sa peligro ang mga isinisilang na sanggol. Marami pang mga kababaihan diyan ang nahihiya o napapahiya kapag nabubuntis nang hindi kasal, kaya ang solusyon sa problema nila ay itapon na lang ang mga sanggol! Maling-mali!
- Latest
- Trending