PROCESS Server si Jun sa Metropolitan Trial Court sa isang probinsiya. Nagmamay-ari si Jun ng isang boarding house para sa mga empleyado ng gobyerno. Madalas nakikitang naninigarilyo si Jun sa paligid ng Korte at umaalis sa puwesto niya kahit oras pa ng trabaho.
Noong Nobyembre 30, 2006 mga 11:55 ng umaga, umalis ng Korte si Jun at umuwi sa bahay niya para mananghalian. Bago kumain si Jun at si Kim na isa sa boarder niya at nagtatrabaho bilang agricultural officer, ay uminom ng tig-isang bote ng Beer Grande. Nang dumating si Ely na kasamahan ni Kim sa opisina, nag-order pa si Jun ng isang long neck ng Gran Matador brandy. Nagluto si Ely ng kanilang pananghalian. Pagkatapos kumain, uminom pa rin sina Jun at Kim ng isang boteng whiskey.
Mga alas kuwatro ng hapon, bumalik na si Jun sa Korte malapit sa opisina ni Lita na isang court stenographer. Nang nag-alisan na ang ibang empleyado maliban kay Jun at Lita, hinalikan ni Jun si Lita sa labi na medyo lasing pa sa mga oras na iyon at sinabihan si Lita ng “I love you”. Ayon kay Lita madiin daw ang halik na iyon kaya namula ang ibabaw ng kanyang labi.
Inireklamo ni Lita si Jun ng “acts of lasciviousness” sa kasong administratibo at kriminal. Bilang aksyon, inatasan ng Office of the Court Administrator ang Regional Trial Court Executive Judge ng probinsya na imbestigahan, gawan ng ulat at magbigay ng rekomendasyon ukol dito.
Sa imbestigasyon, ikinaila ni Jun ang mga paratang laban sa kanya. Isinumite ni Jun ang kanyang apidabit na siyang ginamit din niya sa criminal complaint sa kasong acts of lasciviousness kung saan sinabi niya na sila’y magkaibigan ni Lita. Nang hapon na iyon, sinabi ni Jun na inalok pa nga siya ni Lita ng meryenda at wala namang naganap sa kanila.
Ngunit matapos ang imbestigasyon, pinaniwalaan ng Executive Judge ang testimonya ni Lita laban sa pagtanggi ni Jun. Ang konklusyon ng Huwes ay di lamang base sa testimonya ni Lita kung di sa mga salaysay ng iba pang mga testigo lalo na ng Clerk of Court na nagsabing habang pinag-uusapan nila ni Jun ang performance rating niya, inamin ni Jun na totoong hinalikan niya si Lita. Nabanggit din ni Ely sa kanyang salaysay na nag-iinuman nga sila Jun at Kim noong hapon na iyon. Kaya napatunayan ng Huwes na nagkasala nga si Jun ng aktong panghahalay at pinalala pa ng pag-inom niya habang may trabaho pa na madalas naman niyang gina gawa. Inamin din ni Jun na naninigarilyo siya sa paligid ng Korte at umaalis kahit sa oras ng trabaho. Kaya inirekomenda ng Huwes na suspendihin si Jun ng anim na buwan. Tama ba ang Hukom?
TAMA. Ang aktong panghahalay o pambabastos at pagiging lasing sa oras ng trabaho ay inamin ni Jun pati na rin ang paninigarilyo niya sa paligid ng Korte at pag-alis ng opisina sa oras ng trabaho ay paglabag sa Supreme Court Administration Circular No. 9-99.
Ang isang empleyado ng Korte na nanghalay o nambastos ng isang kasamahan sa trabaho ay nagkasala ng gross misconduct at imoralidad na makakasama sa interes ng serbisyo. Ang gross misconduct at imoralidad ni Jun pati na ang paglabag niya sa SC Circular ay mga dahilan upang ma tanggal siya sa trabaho. Ang mataas na pamantayan ng moralidad at kagandahang asal ay kailangan para sa mga opisyal at empleyado ng Korte. Kung ito’y masisira, mawawala ang tiwala ng tao sa hukuman. (Dontogan vs. Pagkanlungan Jr., .A. P-06-2620. October 9, 2009. 603 SCRA, 98).