MAY bago nang pinuno ang Philippine National Police (PNP) sa katauhan ni Deputy Dir. General Raul Bacalzo. Ginawa kahapon sa Camp Crame ang change of command ceremony. Kahapon nagtapos ang dalawang taong panunungkulan ni PNP chief Dir. Gen. Jesus Versoza. Dapat ay sa December 25, 2010 pa bababa si Versoza subalit nagpasya siyang agahan na ang pagreretiro para mapagbigyan daw ang iba pang opisyal na karapat-dapat sa puwesto. Si President Aquino ang humirang kay Bacalzo. Miyembro ng PMA Batch ’77 si Bacalzo at number 12 sa Bar exam noong 1984.
Eksakto ang pag-upo ni Bacalzo sa PNP na sa kasalukuyan ay mababa ang moral dahil sa mga sunud-sunod na kontrobersiya. Matinding dagok ang idinulot sa PNP nang madugong hostage taking noong Agosto 23 kung saan, walong Hong Kong tourists ang minasaker ng isang nadismis na pulis. Nadagdagan ang dagok sa PNP nang makita nang buong mundo ang kawalan ng kasanayan, kahandaan at kakulangan sa gamit. Kahiya-hiya ang ginawa ng mga pulis na miyembro ng SWAT nang salakayin ang bus na kinalululanan ng mga turista. Hindi mapasok ang bus sapagkat walang kagamitan ang mga SWAT. Wala silang gas mask, helmet, bullet-proof vest at angkop na baril para sa hostage situation.
Nagkamali rin naman ang mga pulis nang arestuhin ang kapatid ng hostage-taker na napanood nito sa TV. Parang sinindihang mitsa ng dinamita ang hostage-taker at pinagbabaril ang mga turista. Kapalpakan ng PNP ang nakita sa hostage-crisis. At marahil, ang pangyayaring iyon ang isa rin sa naging dahilan nang maagang pagreretiro ni Versoza.
Bago ang hostage-crisis, naging kontrobersiya ang PNP nang mapanood sa TV ang isang pulis habang tinotorture ang isang holdaper sa loob mismo ng presinto. Nakunan ng video ang pulis habang hinihila ang tali na nakakabit umano sa ari ng suspek. Nakahiga sa suwelo ang suspect habang hinihila ng pulis ang nakataling ari. Nanonood naman ang iba pang pulis.
Nakalugmok ang PNP. Maraming dungis. Kinatatakutan. Pinangingilagan. At ito ang dapat na unang asikasuhin ni Bacalzo. Ibangon niya ang PNP.