^

PSN Opinyon

'Matira maangas'

- Tony Calvento -

TATLONG buwan nalang sana matatapos na niya ang tatlong taong kontrata sa isang factory sa Korea subalit sa isang tawag lang sa cell phone? Napauwi siya sa Pilipinas ng hindi oras.

“Kuya ang tatay ipakukulong na…” wika ni Al sa kapatid.

Buwan ng Hunyo taong kasalukuyan ng makatanggap ang aming complainant na si Lambert “Bert” de Lara ng tawag mula sa kapatid na si “Al”.

Sinabi sa kanya ng kapatid na natanggap na nila ang resolusyon ng kasong umano’y kinasangkutan ng kanyang ama na si “Agapito”.

Barangay tanod si Agapito sa Guimaras, Nueva Ecija. Tungkulin niyang panatilihin ang kapayapaan sa kanilang barangay kaya’t parati silang alerto sa anumang kaganapang maaring mangyari.

Ika-19 ng Mayo 2009, bandang alas-9:00 ng gabi habang nagpa­pahinga si Agapito sa kanilang bahay kasama ang asawang si Marta at anak na si Al bigla nalang silang nakarinig ng sunud-sunod na putok ng baril.

Inakala niyang galing ang putok ng baril sa mga nag-iinuman sa labasan. Nakarinig ulit si Agapito ng isang putok… hanggang tilian na ng mga babae ang pumangibabaw sa paligid.

Mabilis siyang lumabas ng bahay papunta sa labasan, sa harap ng simbahan kung saan nagkakagulo. Naabutan nalang niya ang pinsang si Mar Permin, hawak ang isang mahabang baril.

“Nakita nalang daw ni tatay na duguan si Mar. May tama daw ito sa tenga at sa tiyan,” kwento ni Bert.

Isinugod ni Agapito si Mar sa Good Samaritan Hospital, Gapan kung saan din umano tinakbo ang noo’y nag-aagaw buhay na si Eddie Fernando mas kilala sa tawag na “Pogi”.

Nung araw ding yun inilipat sa Doctor’s Hospital, Cabanatuan City si Mar, dito na siya nagpagaling habang si Pogi naman ay binawian na ng buhay.

Makalipas ang ilang linggo nagulat nalang si Agapito ng maka­tanggap ng subpoena mula sa Prosecutor’s Office, Cabanatuan para sa kasong Murder.

Ayon sa pananaliksik ni Bert, naikwento sa kanya ni Mar na habang nasa tindahan siya para bumili ng noodles naabutan niya si Pogi na may kausap sa cell phone. Tinanong ni Mar si Pogi, “Pare sinong kausap mo?”

Bigla nalang umanong sumagot ng pabalang si Pogi, “Anung pakialam mo? Anu gusto mo? barilan nalang tayo!”.

Nagkaangasan ang dalawa. Itong si Mar, sa halip na balewalain na lang ang init ng ulo ni Pogi, pinatulan pa. Umuwi si Mar ng bahay para kumuha ng baril. Nag pang-abot sila sa tapat ng simbahan ni Pogi. Dito sila nagtuos.

Nagbarilan ang dalawa. Tinamaan si Mar sa tenga at sa tiyan. Si Pogi naman nadali ang kaliwang tiyan na naging dahilan ng pagkamatay nito.

Base naman sa testimonya ng testigo na si Fedelito Velasco, habang tumatawag sila ni Pogi sa tindahan bigla nalang umanong huminto ang isang puting van at tinanong siya ng drayber nito na si Mar “Sino ba tinatawagan ninyo?”. Sumagot naman siya na, “Wala kaming tinatawagan, bumibili lang kami ng Payless at tinapay. Hindi naman ako marunong mag-cell phone.” Sumagot naman si Pogi, “Anu bang problema mo?”. Nagkasagutan ang dalawa at matapos nito umalis na ang van habang sumakay na sila ng motorsiklo pauwi. Pagdating nila sa kantong kanilang dinadaanan napansin nalang nilang nakaharang ang van na minamaneho ni Mar. Nakita niyang bumaba si Mar sa van at umikot sa may harap. May kinuhang mahabang baril at biglang tinutok kay Pogi. Bigla nalang niyang nakita na may apoy na lumabas sa dulo ng baril at nadinig niya isang putok. Sinabihan niya si Pogi na may tama ito. Pinaalis siya ni Pogi. Umakyat siya sa isang bakod at tumalon sa kabila. Nakadinig siya ng ilan pang sunod-sunod na putok. Inantay muna niya ang tigil putukan at nang maramdaman niya na tapus na saka pa lamang siya lumabas. Natuklasan nalang niya sinugod na si Pogi at Mar sa ospital.

Sa pagkalap ng impormasyon, hinggil sa barilang nangyari. Luma­bas ang angulong away politika. Dati ng magkalaban ang partidong kanilang sinusuportahan, ayon sa ama ni Pogi na si Ernesto Fernando.

Nagtataka naman si Bert kung bakit na dawit ang ama niyang si Agapito gayung tumulong lang naman itong madala sa ospital. Sinampahan sila ng ama ni Pogi ng kasong Murder na naisama ang pangalan ni Agapito batay sa salaysay ng ina ni Pogi na binanggit sa kanya na kasama itong nanambang sa kanila.

Nitong buwan natanggap na nila Bert ang resolution ng kaso. Nakakita ng probable cause ang prosecutor para maipanhik ito sa Korte. Ganun pa man hindi malinaw kay Bert kung anung estado ng kanyang ama sa kasong kinasangkutan nito. Naisipan niyang pumunta sa aming tanggapan upang huminggi ng tulong.

Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 KHZ (tuwing 3:00 ng hapon) ang istorya ni Bert.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, may dati ng alitan ang dalawang panig. Ang sitwasyon ba na namamagitan sa kanila ay kapag nagtagpo sila’y mauuwi sa gulo? Pag-isipan natin ang senaryong ito, nagkrus ang kanilang landas sa tindahan at maaring dun palang nagkainitan na… nag-angasan. Ayon na rin sa resolusyon ng Fiscal, umakmang humawak sa pulungan ng baril na nakasukbit sa kanyang bewang itong si Alyas Pogi. Maaring walang kargada si Mar kaya’t umalis muna siya at kumuha ng baril sa bahay. Nagpang-abot sila sa likod ng simbahan, itong bagay na ito’y makikita sa ‘investigation report’ na pirmado ni SPO1 Angel Bondoc Jr. kung saan nagkaroon ng palitan ng putok dahil pareho silang nagtamo ng iba’t ibang tama sa kanilang katawan. Sa pahayag ni Fedelito, kasama ni Pogi wala siyang binabanggit na nakita niya si Agapito at ang tangging nag-uugnay dito ay ang testimonyang ibinigay ni Pogi bago siya mamatay sa kanyang ina. Ang testimonya ng taong nasa bingit ng kamatayan na ibinigay sa isang ‘person in authority’ gaya ng isang pulis, imbesti­gador o ang doktor na gumagamot dito ay binibigyan ng mabigat na timbang dahil ito’y kinukonsiderang ante-mortem statement o dying declaration. Pinapaniwalaan ito dahil ang taong nasa binggit ng kamatayan kadalasan hindi na magsisinungaling. Sa kasong ito, dapat din ang isang masusing pagsusuri dahil lumabas na ang anggulong meron ng dating alitan (away politika) ang magkabilang pamilya baka naman idinadawit lang ang pangalan ng barangay tanod sa barilang ito. Isa ring bagay na alam kong pagtutuunan ng pansin ng kagalang-galang na hukom ay kung ang mga elementong murder ay papasok ba para yun ang isampa. Maliwanag na sa police report na nagkapalitan ng putok, ang kabilang panig ay may tama rin. Ang problema ngayon ang patuloy na pagtatago ng mga taong sangkot sa usaping ito ay hindi makakatulong para magbigay linaw. Kapag wala kang kasalanan handa mong harapin ang anumang ipinupukol sa’yo kaya payo namin kay Agapito, lumabas ka dahil kung ang katotoohanan ang nasa likuran mo ito ang siyang magpapalaya sa’yo. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

SA gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854. Ang landline 6387285 at ang aming 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

* * *

Email: [email protected]

AGAPITO

BERT

MAR

NALANG

POGI

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with