Tanong kay Calixto
KUNG hindi man mabura ni Mayor Tony Calixto ang taguring “Sin City” sa Pasay, dapat kumilos siya para maituwid ang kumakalat na tsismis na hindi siya ang mayor kundi ang negosyanteng si George del Rosario. Kaya naman lumutang ang balitang ’yan ay dahil ang halos lahat ng transaction diyan sa Pasay, ma-ilegal man o legal, ang itinuturo ay si Del Rosario, ang malaking campaign contributor ni Calixto. Kapag me bagong negosyo sa Pasay, si Del Rosario ang nilalapitan. Maging sa mga illegal gambling at iba pang pagkakitaan ay dapat dadaan kay Del Rosario. Tanungin n’yo si Aging Lisan, ang operator ng saklaan sa Pasay at tiyak may alam siyang kasagutan. At ang pinakakawawa sa ngayon sa Pasay ay ang mga kapulisan dahil pa-suwelduhan na lang sila ni Del Rosario. Ang 11 PCP sa Pasay ay tumatanggap na lang ng P2,500 mula kay PO3 Junel Francisco, ang pamangkin ni Del Rosario, na may hawak ng koleksiyon sa mga illegal gambling at nightclubs. Teka nga pala, ano ang ginagawa ni PO3 Francisco sa Pasay eh sa Bacoor, Cavite siya naka-assign? At kuwidaw kayo mga suki dahil sa Copacabana Hotel pa naka-check-in si Francisco. Bongga!
Lalong lumakas ang ugong na hindi si Calixto ang mayor ng Pasay kundi si Del Rosario matapos i-relieve ni Sr. Supt. Napoleon Cuaton, ang hepe ng pulisya, sina SPO4 Montilla at SPO1 Jose Medina, na mga security escorts ni Calixto. Ang katwiran ni Calixto, hindi nya arok ang dahilan kung bakit na-relieve ang mga security niya, na halos panahon pa ng tatay nya ay nasa poder na ng pamilya niya. Kung hindi man alam ito ni Calixto, puwede naman nyang puwersahin na ibalik sila. Subalit tumahimik lang si Calixto na lalong naging sanhi ng pag-init ng balitang si Del Rosario nga ang tunay na mayor sa Pasay. Hanggang kailan magtatago si Calixto sa anino ni Del Rosario? Mukhang malaki ang utang na loob ni Calixto kay del Rosario?
Panay raid ang isinasagawa sa ngayon ng mga bataan ni Cuaton para mapatigil ang mga bookies ng karera sa Pasay. Nililinis ni Cuaton ang Pasay sa bookies para bigyan daan ang pagdating ng financier na binigyan basbas ni Del Rosario. Walang pagkaiba ito mga suki sa ginawa ng grupo ni Del Rosario para mabigyan daan ang pagpasok ng sakla ni Aging. Ang tropa naman ni Frankie, Joe at Eddie Boy Villanueva ay nakapagpasok na ng apat na fronton ng jai-alai sa Pasay, dahil na rin sa tulong ni del Rosario.
Noong panahon ni Sr. Supt. Raul Petrasanta, aabot sa P40,000 weekly ang tinatanggap niya sa mga gambling lords subalit ang lahat ng perang nalikom ay ipinamimigay sa mga staff niya. Dalawang linggo na si Cuaton sa puwesto subalit ni singkong duling ay wala pang natanggap ang staff niya. Ang mga traffic enforces naman ng Pasay ay halos two weeks na ring di nakapagsuweldo. Anong kababalaghan ito? Abangan!
- Latest
- Trending