Editoryal­ - Ilantad ang pangalan para mahubaran

B INUBURA ng jueteng issue ang hostage taking na naganap noong Agosto 23. Biglang su­mulpot si retired Pangasinan-Dagupan Archbishop Oscar Cruz at sinabing may mga opisyal si President Aquino na tumatanggap ng milyong piso buwan-buwan mula sa jueteng. Unang birada ng arsobispo ay dalawang opisyal ni Noynoy ang nakikinabang sa jueteng money. Kadikit daw ito o malapit na malapit kay Noynoy. Ang dalawa ay in-charge raw sa security matters ng Presidente. Tumatanggap daw ng P2-milyon ang dalawang trusted officials.

Makaraan ang isang araw, nadagdagan pa ang mga opisyales na sangkot sa jueteng. Ayon kay Cruz, lima pang local officials na malapit kay Noynoy ang tumatanggap ng pera mula sa jueteng. Ayon kay Cruz, nalaman niya ang mga impormasyon mula sa mga miyembro ng Krusadang Bayan Laban sa Jueteng na siya ang pinuno. Bina-validate pa raw nila ang mga halaga na natatanggap ng limang local officials mula sa jueteng operators.

Ang nakadidismaya lamang ay ayaw pangalanan ng arsobispo ang mga opisyal na tumatanggap ng jueteng money. Ang dapat daw tumuklas ay ang Malacañang sapagkat may sapat silang pondo para sa intelligence. Sabi pa ni Cruz, na kay Noynoy na raw ang lahat ng paraan para malaman kung sino ang mga nakikinabang sa jueteng. Hindi raw dapat siya ang magbunyag. Sabi naman ng Malacañang, dapat daw pangalanan ng arsobispo ang mga tuma­tanggap ng jueteng money para maimbestigahan at maparusahan ang mga ito. Hindi raw mangingimi si Noynoy na parusahan ang mga sinasabing malapit sa kanyang opisyal.

Kung hindi pangangalanan ni Cruz ang mga sina­sabing opisyal, wala ring mangyayari sa kanyang krusada laban sa jueteng. Kung talagang wagas ang kanilang hangarin na maitigil ang jueteng, hindi dapat unti-unti ang paghahayag na para bang nag­pa­pa­pansin lang sa publiko. Kung talagang galit ang arso­bispo sa jueteng at sa mga opisyal na naki­kinabang, hindi na dapat pang magpakontrobersiya. Panga­lanan niya para mahubaran ang mga opisyal. Kung hindi magagawa, balewala ang kanyang krusada.

Show comments