Isa na namang kampanya
SIMULA Setyembre 16, maglulunsad na ng kampanya ang MMDA laban sa mga nagkakalat sa lansangan. Paiigtingin ang Anti-Littering Law na matagal nang batas. Huhulihin na raw nila ang sinomang magtatapon ng basura sa kalye, o saan pang lugar na hindi naman dapat tinatapunan ng basura. Sana, kapag sinabing basura, pati mga maliliit na papel, balat ng kendi at pinakamahalaga, upos ng sigarilyo na kung saan-saan lang tinatapon! Ang naiiwang filter ay hindi nalulusaw kahit sa tubig. Kaya sa milyun-milyong upos ng sigarilyo na tinatapon ng tao, siguradong may binabarang daanan ng tubig ang mga ito!
Marami naman talagang makakalat na tao, na walang pakialam sa mga tinatapon nilang basura. Madalas nga mga maliliit na basura na sa tingin nila ay hindi naman nakakasama sa paligid. Makikita mo itong tinatapon lang mula sa lahat ng klaseng sasakyan, maging pribado o publiko. Gusto ko talagang makitang mapatupad ang batas na ito, na kinalimutan na ng panahon at ng mga nakaraang administrasyon. Ilang mga siyudad lang sa Metro Manila ang naging mahigpit hinggil sa pagtatapon ng basura, pero nagbulag-bulagan naman sa mga maliliit na bagay katulad nga ng mga nagtatapon mula sa mga sasakyan. Kung minsan pa nga dinadaanan pa ng MMDA o ng PNP ang nagtatapon, pero hindi naman pinapansin! Ngayon, dahil may bagong liderato, may bagong ngipin na naman ang batas.
Dapat siguro si President Aquino ang magsabi ukol sa pagpapatupad ng Anti-Littering Law para magkabisa. Katulad ng pagbanggit niya sa Anti “wangwang” na matagal namang batas pero hindi sinusunod ng tao, pati ng mga pulis at MMDA! Sila pa ang nag-e-escort sa mga umaabuso nito! Pero bakit pa kailangang maghintay pa ng Setyem- bre 16? Bakit hindi na lang patuparin at maging istrikto na? May palugit ba para magkalat na ang gustong magkalat?
At tatanungin ko na rin, kung talagang magiging mahigpit at huhulihin lahat, hindi lang yung mga nasa kalye kundi pati yung mga nagtatapon ng basura sa mga ilog, estero at sapa? Pati yung mga kumpanya o negosyo na hindi maayos magtapon ng kanilang mga basura. At kung uumpisahan, huwag naman sanang maging pabaya muli pagkalipas ng ilang buwan. Baka ilang buwan lang, wala na namang papansin sa mga nagtatapon ng basura sa lansangan! Wala sa kultura natin ang maging malinis ang paligid, maliban sa ilang mga lugar. Kaya tama lang na lagyan na ng ngipin ang batas.
- Latest
- Trending