DALAWANG taon din bago napagpasyahan ng Office of the Ombudsman na suspendehin ang anim na “euro generals”. At anim na buwan na suspensiyon lang ang katapat ng kasalanang kanilang ginawa. Hindi kaya magbigay ito ng halimbawa sa iba pa na gumawa rin ng katulad na kasalanan dahil mababa lang naman ang parusa? Ayon sa Ombudsman, habang naka-suspinde, hindi tatanggap ng sahod ang mga general. Natapat ang suspension sa police generals habang mainit ang isyu ng hostage-taking kung saan walong Hong Kong nationals ang napatay ng isang dating pulis. Mababa ang moral ng mga pulis sa kasalukuyan dahil sa kapalpakan ng rescue operation.
Nangyari ang kontrobersiya sa mga police general noong October 2008 nang kumpiskahin ng Russian authorities ang dala nilang 105,000 euros (P6.9 million) sa Moscow International Airport. Dumalo ang mga police general sa 77th Interpol General Assembly sa St. Petersburg, Russia. Nakita sa luggage ni ret. General Eliseo de la Paz ang sangkaterbang euros. Pinigil si De la Paz sa aiport.
Nabahiran ang PNP sa pangyayari. Habang maraming pulis ang kakarampot ang sahod, maaari palang magbitbit nang sangkatutak na pera ang mga heneral. Paano kung hindi nakumpiska ng Russian authorities ang pera? Baka pinaghati-hatian na iyon ng mga heneral. Posible. Wala namang nakaaalam kundi sila-sila lang.
Sa nangyaring hostage-taking ay binatikos ang mga SWAT ng Manila Police. Kulang sa gamit – walang Kevlar helmet, bullet-proof vest, mahusay na baril at iba pang gamit para maging matagumpay ang rescue operations. Ni matibay na lubid ay wala ang SWAT sapagkat ang itinali sa pinto ng bus ay sinlaki ng daliring nylon na sa isang hila ay napatid. Kahiya-hiya ang mga SWAT. Kulang na kulang sila sa pondo kaya walang gamit. Wala ring pondo para sa training ng SWAT members.
May pera kapag magbibiyahe ang mga heneral ng PNP pero walang pondo para sa training at gamit ng mga pulis. Tsk-tsk-tsk! May mamamatay nga kapag may hostage-taking.