Salamat, salamat umaksiyon si Noynoy
kanyang pinigilan pagtaas ng toll –
Ng mga sasakyan sa expressway South Luzon
na gustong ipataw ng dito’y may control!
At kumilos na rin pati ang Supreme Court
TRO sa VAT kanilang in-approve;
Sa nangyaring ito nakahingang lubos –
mga motoristang noon ay natakot!
Nangamba nga sila sa laki ng dagdag
na balak singilin ng nagpapalakad;
Mga motoristang sa hirap ay sagad
lalo pang gagapang sa bagong pabigat!
Oo nga’t ang SLEX ginagawa ngayon
dapat lamang naman sa bagong panahon;
Mga motoristang nagdaraan doon
triple na ang dami kaysa bilang noon!
Dahil nga sa dami ng mga sasakyang
nagdaraan doon sa gabi at araw –
Kinikita nito’y sobra na at apaw
sa bulsa ng dito ay namumuhunan!
SLEX reconstruction di kayang solohin
ng ating gobyernong kapos sa gastusin;
Kaya tumpak lamang na ito ay gawin
ng mga dayuhang may pondong malalim!
Huwag nang ituloy ang balak na toll hike
pagka’t may solusyong dito at marapat;
Gobyerno’t financiers ay dapat mag-usap –
bayad ng gobyerno ay gawing maluwat!
Sa sistemang ito ay hindi aangal
mga motoristang sa bansa ay dangal;
Mga magsasakang may dalang kalakal
maligaya silang sa SLEX daraan!
At sana Pangulo – iyong kausapin
ang Regulatory Board ay maging magiting:
Huwag basta papayag sa mahal na singil –
nang walang konsulta saka public hearing!