Ang pitsa at ang PNP
NAGLALAWAY na si Chief Supt. Jake Cataluna, director for operations ng Philippine National Police (PNP) bilang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Sinusulot ni Cataluna si Director Leon Nilo de la Cruz sa puwesto n’ya. At ilang beses nang kamuntik maupo si Cataluna bilang CIDG director at ang huli ay nitong nagdaang mga araw. Magkaroon sana ng turnover sa CIDG noong Huwebes subalit naudlot dahil nakialam si DILG Sec. Jesse Robredo. Nais ni Robredo na dumaan sa kanya, bilang chairman ng Napolcom ang lahat nang reshuffle sa Camp Crame.
Kumilos si Robredo dahil sa reklamo ng Philippine Military Academy (PMA) Class ’81 na hindi sinusunod ng Senior Officers Placement and Promotions Board (SOPPB) ang tamang patakaran sa pag-promote ng mga opisyal ng PNP. Ang sulat ng PMA Class 81 ay isinumite sa grievance committee ng PNP subalit nakarating ang kopya kay Robredo, kaya’t hayun naantala ang malawakang reshuffle sa PNP noong Huwebes at pati ang pag-upo ni Cataluna sa CIDG ay kasamang napurnada. Si Cataluna ay miyembro ng PMA Class 77 at magreretiro na sa Marso. Ang papalitan niya na si De la Cruz ay Class 78 at sa Abril naman magreretiro.
Kahit sino ang tanungin sa hanay ng PNP ay nagtataka kung bakit isinisiksik pa ni Cataluna ang sarili sa CIDG eh kapos na siya ng oras. Ano pa ang magagawa niyang programa sa CIDG sa loob ng pitong buwan? May balitang kumakalat na pinulong na ng bata ni Cataluna na si Estomo ang lahat ng tong kolektor para giyahan ang liderato ng una pagkaupo niya sa CIDG. Kaya ang usap-usapan sa Manila Police District hindi public service ang nasa isipan ni Cataluna kundi …pitsa. Habang kalmado naman si De la Cruz sa planong papalitan siya, ang mga nakapaligid naman sa kanya ay gumagawa ng hakbang na hadlangan si Cataluna na maging CIDG director.
Nahalungkat kasi ng kampo ni De la Cruz na sa ilalim ng Sec. 25, ng amended na PNP law na R.A. 8551, ang lahat ng police officials, maliban sa PNP chief ay hindi dapat i-promote o ilipat ng ibang opisina kung wala na silang isang taon sa serbisyo. Kaya hihingi ng temporary restraining order (TRO) sa korte ang kampo ni De la Cruz kapag naglabas ng order ang PNP na ililipat siya sa DICTM. Sa tingin ng mga alipores ni De la Cruz binabastos ni Cataluna ang amo nila kaya’t tatapatan nila ito ng bastusan din. Mainit pa ang isyu sa hostage drama sa Quirino Grandstand eh malalagay na naman sa hindi magandang sitwasyon ang PNP at yan ay dahil sa pitsa.
- Latest
- Trending