Pagbati sa mga kapatid na Muslim sa Eid Al Fitr!

AKO at ang aking anak na si Senator Jinggoy Ejercito Estrada at buong pamilya Estrada ay bumabati sa lahat ng mga kapatid nating Muslim sa pagdiriwang ng Eid Al Fitr, o pista ng pagtatapos ng Ramadan.

Napakasaya at napakamakabuluhan ng okasyong ito para sa mga Muslim kung saan ay pinag-iibayo pa nila ang pagmamahal sa pamilya, kaanak, kapwa at kay “Allah”. Ang Ramadan ay itinuturing na panahon ng pagpapatibay at pagpapalaganap ng espiritwalidad at kabutihan ng mga Muslim, gayundin ng paghingi nila ng pagpapatawad para sa anumang naging kasalanan nila, kasabay ng kanilang pagpupursige para sa pagdadalisay ng katawan, kalooban at isipan.

Naniniwala ako na kahit hindi Muslim o ibang relihiyon ay nagpapahalaga sa ganitong napakagagandang mga prinsipyo. Ang mga kapatid nating Muslim ay may malaking bahagi sa pag-unlad ng ating kultura, ekonomiya at lipunan.

Bagamat umiiral pa rin sa ating bansa, laluna sa Mindanao, ang napakatagal nang tensiyon kaugnay ng pagpupursige ng ilang kapatid na Muslim na magsarili ng pamamahala nila sa kanilang lipunan at kultura, batid natin ang paghahangad ng bawat isa para sa pangkalahatang kapayapaan, pag-unlad at paggagalangan sa iba’t ibang paniniwalang espiritwal. Ang madalas na tensiyon sa Mindanao ay sagka sa pagtatamo ng full development ng naturang rehiyon na napakalaki ng potensiyal at talaga namang biniyayaan ng maraming likas na yaman.

Si Jinggoy ay noon pa nagsusulong ng mga hakbangin para sa interes ng mga kapatid na Muslim. Isa rito ay ang kanyang panukalang “An Act to Ensure Equal Employment Opportunities to Muslims and Tribal Filipinos”. Ito ay kanyang inihain noon pang 13th Congress, at ngayong 15th Congress ay kanya itong ini-refile bilang Senate Bill 891. Sana suportahan ng mga kapwa niya mambabatas ang panukalang ito.

Show comments