“Namatay daw sa bangungot ang aking kapatid. Malaki ang paniniwala namin na hindi yun totoo. Meron silang tinatago dahil ayaw nilang pa-‘examine’ ang bangkay,” mga mabibigat na pahayag (akusasyon) mula sa pamilya ng isang lalaking namatay habang siya’y natutulog.
Ang magkakapatid ng pamilya Bulatao ng Sumilang, Pasig City ay nagsadya sa aming tanggapan. Sila ay sina Maria Cleofas, Johnmard o mas kilala sa tawag na “Jomar” at Johnhard o “Jon-jon”.
Kinukwestyon nila ang pagkamatay ng kanilang kuya na si Anacleto Sr. o mas kilala bilang si Jonard, 44 na taong gulang. Nais nilang malaman kung ano ang tunay na ikinamatay nito.
Simula ng ikasal si Jonard sa asawa nitong si Roseveminda, sa Langkaan, Dasmariñas, Cavite na ito tumira. Kasama nila dun ang mga kapatid ng kanyang asawa. Nagkaroon sila ng anim na anak. Taong 2007 namatay si Roseveminda dahil sa sakit nito sa kidney.
Mag-isang binuhay ni Jonard ang mga anak. Nagtrabaho siya bilang ‘aircon maintenance’ sa SM Bacoor, Cavite.
Bumibisita na lang siya sa Pasig para dalawin ang kanyang mga kapatid. Ayon kay Cleofas palaging nagkukwento sa kanila si Jonard tungkol sa masamang pakikitungo sa kanya ng kanyang hipag at mga bayaw.
Binugbog daw siya ng mga bayaw niyang sina Roger at Rey ng minsang ipagtanggol niya ang kanyang anak na si John Arvie.
Isang araw ng magbakasyon silang mag-anak sa Pasig, magulong bahay ang dinatnan nila sa Cavite. Hinalughog ito at nanakawan siya ng Php12,000.
Malaki din ang naging problema niya sa panganay niyang anak na si Rosalie, 22 taong gulang. Hindi na daw ito gumagalang at may kinakasamang tomboy. Dinadaing umano ni Jonard na wala na itong respeto sa kanya.
Ang patung-patong na problemang ito ang dahilan kung bakit mas gusto pa umano ni Jonard na ibuhos ang oras sa pagtatrabaho kaysa manatili sa kanilang bahay. Limang araw itong pagod at walang tulog.
Ika-23 ng Hulyo 2010, bandang alas 5:45 ng umaga, nakatanggap ng tawag si Cleofas. “Tita! Hindi na magising si Papa! Binangungot...patay na siya,” sabi ni Rosalie.
Sinabi ni Cleofas na, “Papunta na kami dyan, dalhin n’yo siya sa ospital”. Tinawagan niya ang kanyang magulang na nasa Cavite rin at dalawang sakay lang ang layo papunta sa bahay nila Jonard.
Naabutan ni Estelita, ina nila Cleofas na nasa ambulansya na si Jonard kasama si Rosalie at Sally na kapatid ni Roseveminda.
Sumakay siya dun at nakita ang katawan ng kanyang anak. Tinanong ni Estelita, “Ano ba naman bakit walang wang-wang? Bilisan natin!,” Sumagot naman umano si Rose at nakangisi pang sinabing “patay na yan.”
Pinagpilitan ng 67 taong gulang na si Estelita na dalhin sa ospital ang kanyang anak ngunit ayaw siyang pakinggan. Mas mauuna kasing madaanan ang De La Salle University Medical Center kaysa sa morgue. Nagulat na lang siya ng ihinto at ibaba sila sa Funeraria ng Alindog.
Pinaalam niya kay Cleofas ang ginawa ng kanyang apo. Sinabi ni Estelita na hintaying dumating ang iba niyang anak bago embalsamuhin. Ibinigay ni Estelita ang ‘telephone number’ ng morgue at tinawagan naman ito ni Cleofas. Nagbilin si Cleofas sa may-ari na huwag gagalawin ang katawan ng kanyang kuya.
Bandang alas-9:00 ng umaga dumating si Cleofas kasama si Jon-jon at Jomar. Butas na ang leeg at biyak na ang katawan ng kanilang kuya, na-embalsamo na ito. Nanlumo ang magkakapatid sa nakita. Tinanong ni Cleofas kung sino ang nagbigay ng permiso na ipa-embalsamo agad ang kuya niya. Nalaman nila na pinirmahan ni Rose ang ‘waiver’.
“Wala man lang nag-atubiling itakbo si kuya sa ospital. 4:30 ng umaga nila natuklasang binangungot si kuya. Alas 8:00 na nasa bahay pa sila. Nag uumpisa ng tumigas ang bangkay wala pa rin silang ginawa,” pahayag ni Cleofas.
Ayon sa magkakapatid na Bulatao, galit ang mga kapatid ni Roseviminda kay Jonard. Noon pa man kahit buhay pa ang hipag niya talagang hindi na umano maganda ang pakikitungo nila kay Jonard.
Isa pa sa pinagtataka ng magkakapatid ay hindi naman daw na ‘autopsy’ ang kuya nila ngunit may pirma ng doktor.
Base sa ‘death certificate’ na pinirmahan ni P/Chief Insp. Jonathan Serranillo, M.D, Ang ‘cause of death’ ni Jonard ay ‘sudden cardiac death’. Pirmado naman ni Felizardo Isla Jr. na naimbalsamo niya ang katawan ni Jonard.
“Gusto namin malaman ang totoong kinamatay. Walang autopsy na nangyari pero may pinirmahan sila. Andun kami nun at walang tumingin sa katawan ng kuya ko,” wika ni Cleofas.
Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang reklamong ito ng magkakapatid na Bulatao.
Nakipag-uganayan kami kay Dr. Antonio Bertido, Chief ng National Bureau of Investigation (NBI) Medico Legal Division Region IV. Pinakiusapan namin si Dr. Bertido na kung maaring hukayin at isailalim sa autopsy ang bangkay ni Jonard.
Noong ika-13 ng Agosto, isinagawa ang paghukay. Nagpunta sila sa sementeryo ng Bayan sa Dasmariñas. Inilabas ang kabaong at tiningnan ni Dr. Bertido ang katawan. Ayon kay Dr. Bertido hindi pa nga nao-autopsy si Jonard. Lumalabas na merong mali sa binigay na ‘death certificate’.
Dahil gusto nilang ireklamo ang pumirmang doktor mula sa Philippine National Police (PNP), humingi sila na kopya ng ‘autopsy report’. Wala namang maibigay ito at ang dahilan na sinabi ay ‘on leave’ daw itong si Chief Inspector.
Sa ngayon, inaantay na ng pamilya Bulatao kung ano ang findings ng autopsy na isinagawa ni Dr. Bertido.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, doktor lamang ang pwedeng magdeklara na patay na ang isang tao. Hindi maaring basta dalhin mo na lamang ito sa morgue at ipa embalsamo. Kadalasan ang mga taong namamatay under “mysterious circumstances” ay kailangan sumailalaim sa otopsiya upang malaman kung ito’y naging biktima ng isang ‘foul play’.
(KINALAP NI AICEL BONCAY)
Sa gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854. Ang landline 6387285 at ang aming 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Email addres: tocal13@yahoo.com