KUNG totoo ang mga isinalaysay ng witness na si Lakmudin Saliao na may kinalaman sa Maguindanao massacre, kasuklam-suklam at walang kapatawaran ang ginawang krimen. Pinakamatinding krimen sa kasaysayan at pumapangalawa umano sa krimeng nagawa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Si Saliao ay helper ng mga pamilya Ampatuan na suspek sa Maguindanao massacre. Sinabi ni Saliao na pinlano ng mga Ampatuan ang pagpatay. Ginawa iyon habang naghahapunan ang angkan. Maraming nagsabi na ang salaysay ni Saliao ay matinding dagok at magdidiin nang tuluyan sa mga Ampatuan. Nangyari ang masaker noong Nobyembre 23, 2009 kung saan 57 katao, karamihan dito ay mga mamamahayag ang nilipol. Walang awang pinagbabaril ang mga biktima at ang ilan ay inilibing sa hukay. Nagmistulang mga baboy na pinagbabaril ang mga kawawang biktima. Hindi na iginalang ang mga babae.
Pagkaraan ng 10 buwan ay saka lamang umusad ang kaso. Ang mga kaanak ng biktima ay uhaw na uhaw na sa hustisya. Ang ilan ay nawawalan na ng tiwala sa sistema ng katarungan sa bansa. Masyadong maimpluwensiya ang Ampatuan at maaari umanong gamitin ang salapi para baluktutin ang katotohanan at mapawalang-sala. Lalo pang nadagdagan ang kanilang takot nang ilan sa mga lumulutang na testigo ay bigla na lamang nawawala at pinapatay. Hindi man sila magsalita, sa galaw ng kanilang mga mata ay alam nila kung sino ang nasa likod ng mga pagkawala at pagpatay sa mga testigo.
Nang isiwalat ni Saliao ang kanyang nalalaman sa pagdinig ng Maguindanao massacre noong Miyerkules, maraming kaanak ng biktima ang natuwa at gumaan ang dinadala. Nabawasan ang kanilang pagkabalisa sapagkat maaaring ang testimonya ni Saliao ang magdiin sa mga Ampatuan at iba pa.
Kahit na may abogadong nagsabi na bibilang ng taon bago magkaroon ng linaw ang kaso, masaya na rin ang mga kaanak ng biktima sapagkat umuusad na ang kanilang inaabangang paglilitis. Kung si Saliao ay nakapaghatid ng kasiyahan sa mga kaanak ng biktima, maaaring ang mga susunod pang testigo ay mas makakabawas pa sa sakit ng kalooban na dinaranas ng mga naulila.
Matapang ang testigong si Saliao at sana ang mga susunod pa ay matapang din na katulad niya para magtu-luy-tuloy na ang paggulong ng karumal-dumal na kaso.