NAKABISTIDANG hapit, makapal ang pintura sa mukha… habang nakataas ang kanang braso na para bang nang-aakit.
Iyan ang itsura ni Reynaldo Flores Jr. sa litratong bitbit niya ng magsadya siya sa amin. Sa isang pagbabalik tanaw humingi ng tulong sa amin si Reynaldo o “JR” upang ireklamo ang asawang si Jennifer matapos magpakasal muli sa isang Hapon.
Nagsimula ang problema ng mag-asawa mula ng pumunta sa Hamamatsu, Japan si Jennifer o “Efer” para magtrabaho bilang entertainer/Singer sa isang ‘restaurant’.
Naka ilang balik man si Efer sa Japan ay naging mainit pa rin ang relasyon ng dalawa. Nitong huli napansin ni JR na nanlalamig na ang asawa.
Nakatanggap na lang siya ng sulat kay Efer na nagsasabing, “Naging napakabuti mo sa akin, hindi ka nagkulang. Para sa akin ‘perferct’ ka pero hindi ko sinasadya na biglang maramdaman kong …may mahal na kong iba!”
Parang biglang may bumara sa kanyang lalamunan at halos magiba ang kanyang dibdib ng mabasa ang sulat.
Dahan-dahan niyang itong tiniklop at inilagay sa isang tabi. Tumingin siya sa malayo at nag-isip. Lumipas ang ilang araw at ipinagtapat niya ito sa kanyang magulang. Mabilis na kumalat ang balita.
May nakapagsabi sa kanyang isang kaibigan na huwag siyang mabibigla dahil nag-asawang muli si Efer. Nakumpirma naman niya ito.
Dinemanda niya si Efer sa Prosecutor’s Office, Quezon City. Sa isang ‘resolution’ na ginawa ni Assistant City Prosec. Jennifer Cabanban-Ong nakitaan ng ‘probable cause’ para maisampa ang kasong ‘bigamy’ sa Korte.
Lubos ang pasasalamat ni JR sa tulong na naibigay namin. Hindi nagtagal nakatanggap siya ng ‘subpoena’ mula sa Regional Trial Court, Branch 34 kung saan napag-alaman niya na naghain pala ng ‘annulment case’ si Efer para mapawalang bisa ang kanilang kasal.
Ikinagulat niya ang mga nilalaman ng salaysay ni Efer kung bakit maa-‘annul’ ang kanilang kasal.
Ang mga sumusunod ay hango sa ‘petition’ na natanggap ni JR.
Akusasyon ni Efer ito raw si JR sa tunay na sekswalidad nito. Pinakikisamahan lang umano siya nito dahil sa pera. Ayos lang daw kay JR na makahanap siya ng ibang lalake basta’t hindi niya ito iiwanan.
Tinatakot rin niya si Efer at kanyang pamilya gamit ang baril at pagbabalak na magpapakamatay siya sa pamamagitan ng pag-umpog ng kanyang ulo sa sementong pader.
Lasenggero rin si JR ayon kay Efer. Mahilig itong bumarkada sa mga lalake maliban pa rito nagtatago rin ito ng magazines ng mga hubad na lalake. Nagsusuot rin siya ng damit ng babae at nagma-make up. Sinuportahan naman ni Efer ang pahayag na ito sa paglakip ng kopya ng dalawang litrato ni JR na nakasuot ng ‘gown’.
Mabisyo raw si JR at mahilig makihalubilo sa mga lalaking gwapo.
Dadag pa niya, wala daw interes makipagtalik ang kanyang asawa. Ni hindi niya magawang batiin siya sa kanilang wedding anniversary at kanyang birthday.
Tamad rin umano ito. Walang tiyagang maghanap ng trabaho. Nagawa pang ibenta ni JR ang kanilang mga naipundar ng walang abiso. Makasarili umano si JR.
Bago pa umano sila ikasal, malaki ang problema ni JR sa kanyang pagkatao. Manhid umano siya at hindi marunong maghalaga sa kanilang kasal.
Sinagot naman ni JR ng isa-isa ang mga sinabi ni Efer at sinabing ito’y gawa-gawa lang lahat upang pagtakpan ang tunay na isyu rito, ang pagiging kaliwete ng kanyang asawa dahil sa pagpapakasal nito sa isang ‘Japanese National’.
Sinubukan ding ipaliwanag ni JR ‘yung litrato kung saan siya nakadamit na babae, na ito’y parte ng kanilang pagbibiruan nung maganda pa ang kanilang relasyon. Naglambing sa kanya ang kanyang asawa na damitan siya ng babae at kunan siya ng litrato gamit ang kanyang ‘Polaroid’. Sa laki ng pagmamahal niya rito pumayag naman siya. Hindi niya sukat akalain na iyong walang kabagay-bagay na laru-laruan nila ay may maitim na balak pala itong si Efer.
“Nagpakatanga ako. Nagsuot ako ng mga damit niyang ginagamit sa Japan. Siya pa nag-‘make up’ sa akin. Pumayag ako sa mga pose na gusto niya. Yun pala nung mga oras na iyon, sa likod ng kanyang isip itinago niya ito para magamit sa akin pagdating ng panahon,” maluha-luhang sinabi ni JR.
Sa ngayon may nakapagsabi kay JR na nakita nila ang picture ni Efer sa isang ‘networking site’ na buntis ito.
Itinampok naman namin ang istorya ni JR sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 (tuwing 3:00 ng hapon).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang ginagawang pag-file ng annulment nitong si Efer ay isang remedyo na hindi naman tunay na makakatulong sa kasong isinampa sa kanya na bigamy. Kahit mapawalang bisa ang kanilang kasal ni JR nung nagpasakal siya umano dun sa Hapon (base naman sa dokumentno nakuha ni JR na ‘marriage contract’ mula sa National Statistics Office o NSO) maliwanag na nakatali pa rin siya kay JR at buhay pa ang kanilang kontrata ng matrimonyo. Ang dapat pagtuunan ng pansin nitong si Efer ay ang kanyang depensa (kung meron man) hinggil sa kasong bigamya. Ang tanging kailangang gawin ni JR bilang tugon sa annulment case na ito ay maghain ng isang ‘manifestation’ na ang lahat ng ito ay bunsod ng criminal case na isinampa niya laban sa asawa. Nasisiguro ko na sa bandang huli ang matibay na ebidensya ay kapag ang katotohanan ay nasa likuran mo na.
SA mga gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854. Ang landline 6387285 at ang aming 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Email address: tocal13@yahoo.com