Ibalik ang swerti!

LOW profile subalit malaking bagay sa mata nang marami ang desisyon ng PCSO Board of Trustees sa pangunguna ni Chairperson Margie Juico na huwag tanggapin ang mga kalabisang bonus na tinatanggap ng kanilang mga pinalitang board member. Maaalalang bago nag-umpisa ang kalbaryo ni P-Noy sa Luneta hostage tragedy, ang sentro ng usapang politikal ay ang mga hindi makatarungang allowance at benefits na tinatanggap ng mga opisyal ng government owned and controlled corporations (GOCCs).

Hindi pa man nauupo si P-Noy ay pinag-aagawan na ang puwesto sa board ng mga GOCC. Laging una sa wish list ang MWSS, BCDA, PNOC, NPC, PCSO, Pag-IBIG at PAGCOR.

Kaya naman pala. Ngayo’y kaliwa’t kanang panukala ang ating mga mambabatas upang maitigil ang abuso. Hindi naman kailangang i-memorize pa ang prinsipyo na “ang pagtitiwala ng bayan ay angkin ng katungkulang pambayan” – public office is a public trust. Maaring may kapangyarihan sa batas ang mga GOCC na itakda ang sarili nilang compensation scheme upang maipantay ang sahod sa ka-baitang nitong mga pribadong korporasyon. Ang intensyon ay maakit ang mahuhusay na sumali sa gobyerno. Mabuti at pinilit ni P-Noy ang sariling pamantayan sa iimbitahan niya sa pamahalaan – yung interesado sa paglilingkod at hindi sa katas ng paglilingkod. Kaso nga lang ay medyo tumatagal ang proseso dahil kakaunti na lang ang natitirang martir.

Sa desisyon nina Chairwoman Juico and co., pinakita nila na tama ang pagtiwala ng Pangulo sa kanila. Sa mga ipinuwesto ni P-Noy, sila ang pinakaunang nagpahayag na hindi na nila hihintayin pa ang anumang kautusan mula sa itaas upang tigilan ang abuso – kusa na silang tumanggi sa benepisyo. Ang hakbang na ito ay napakagandang panawagan at paalala sa ibang mga opisyal. Sa pagpasok ng pamahalaan ni P-Noy, hatid nito ang malawakang pagbabago sa mga abusong nakasana-yan. Tapos na ang araw ng kapit-tuko sa puwesto; tigil na ang gawaing paglustay sa pondo. Ang uumpisahan ngayon ay tradisyon ng major-major na tapat at wastong pamumuno.

Ang PCSO ay nalulugi nga. Subalit sa ilalim ng kanilang bagong pamunuan, malinaw na hindi lamang kita nila ang tataas – kasabay nito’y mababawi din nila ang karangalan ng institusyon.

PCSO Board of Trustees Grade: Ibalik ang swerti!

Show comments