Panahon din ng typhoid fever
BUKOD sa dumadaming kaso ng dengue, tumataas na rin ang insidente ng typhoid fever. Ang typhoid ay nakukuha sa pag-inom ng maruming tubig, o pagkaing marumi. Kontaminado ang pagkain at tubig ng Salmonella typhi.
Madalas na pinanggagalingan ng Salmonella ay ang mga itlog. Kaya mahalaga na nilulutong maigi ang itlog. Kung maaari, wala yung parang malasado pa. Baliktarin ang pagluto ng itlog para siguradong naluluto lahat. Dahil tag-ulan na rin, mas madaling makontaminado ang suplay ng tubig. Kung hindi pinakukuluang maigi, baka makuha ang Salmonella sa mga ito. Kaya mahalaga ang kalinisan kapag tubig at pagkain ang pinag-uusapan.
Naisip kong pag-usapan ang typhoid dahil may pamangkin ako ngayon na nasa ospital dahil may dengue. Pero ang problema, may mga ibang sintomas siya na kakaiba sa dengue katulad ng hindi pagbaba ng lagnat. Laging mataas ang lagnat at nagsusuka rin. Walang ganang kumain at masakit ang ulo at katawan. Parang may flu. Mabuti na lang at nasa ospital na’t naka suwero.
Sa panahon ngayon, mahirap ang magkasakit. Punumpuno ang mga ospital at mahirap makakuha ng kwarto. Halos kalahati ng kaso, dengue. Kaya minamabuti na ng MMDA ang kanilang fogging program sa mga paaralan para mabawasan ang mga tinatamaan ng dengue. Pero katulad ng nangyari sa aking pamangkin, kailangan mapuna kung may mga ibang sintomas katulad ng typhoid na sumasabay na rin sa dengue. Mahirap na kung may makalusot na sakit at hindi maagapan ng gamot. Siguraduhing malinis ang tubig at pagkain. At siguraduhing malinis ang mga humahawak at nagluluto ng mga ito.
- Latest
- Trending