PASG, PAGC dapat na nga buwagin
SA panukalang 2011 budget ni Presidente Noynoy Aquino walang laan na pondo sa Presidential Anti-smuggling Group at sa Presidential Anti-Graft Commission. Ibig sabihin nito ay sarado na ang dalawang ahensiya sa Enero. At mabuti naman.
Malabo ang pagkakatatag ng PASG nu’ng 2006. Tinuring ito ni noo’y-Presidente Gloria Arroyo na taga-tugis hindi sa karaniwang technical smugglers na nanloloko sa halaga ng kargamento; nariyan na ang Customs para supilin sila (o kikilan?). Dalawa lang ang special targets ng PASG: Ang magkapatid na smugglers na, ‘yung babae. ay may natatanging relasyon sa isang bigatin sa Palasyo. Bilang lider na buo ang loob, hindi na sana kinailangan ni Arroyo ang PASG; sinaway na lang sana niya ang bigatin. Pero kumplikado ang sitwasyom. Nabigo ang PASG sa misyong tugisin ang magkapatid. Dinuplika lang nito ang operasyon ng Customs, kaya pinasya ng korte na ilegal. Nauwi sa pangingikil ang opisyales nito.
Samantala, inanay na ang PAGC. Imbis na labanan ang katiwalian, naging kunsintidor ito at mismong tiwali. Sinira ng huling PAGC chairwoman ni Arroyo ang tradisyon ng mga mahuhusay na nauna. In-appoint nito ang anak bilang executive assistant, sa rason na kailangan niya ng mapagkakatiwalaan sa confidential matters. Tapos, in-appoint din ang kasintahan ng anak bilang executive director, ang pinakamataas na staff posisyon. In-appoint naman ng hilaw na manugang ang kapatid at mga kabarkada sa mamahaling posisyon. At pinagpupuwesto ng chairwoman ang mga anak ng mga amiga.
Habang nagtataas ng sariling sahod ang trustees at directors sa mga government corporations at financial institutions, nagbulag-bulagan ang PAGC. Umabot sa milyun-milyong piso ang inuuwing labis na kita nila. ’Yun ang bagamat may administrative order si Arroyo noong 2001 na hindi dapat lalabis sa doble ng P80,000 take-home pay ng isang cabinet member ang buwanang per diem at allowances ng trustees at directors.
- Latest
- Trending