Buwan ng Agosto ngayon ay tapos na
at ang buwang ito’y parang naiiba;
Kay daming nangyaring nakapagtataka
na nakatala na sa ating historya!
Agosto Beinte Tres – di pa nagtagal
may naganap ditong ating kahihiyan;
May walong turistang dito ay pinaslang
ng isang armado nating kababayan!
Ang Agosto 30 lubhang mahalaga
sa mga naganap sa loob ng bansa;
Sa dilim ng gabi’y kay daming nawala
na mga bayani at taong dakila!
Buwan ng Agosto – nabuhay si Quezon
subalit siya ay bigo pa rin ngayon;
Ang pamana’y Wika na dapat mayabong
hindi pa laganap sa bagong panahon!
Buwan ng Agosto – pinatay si Ninoy
at tayo’y lumaya sa isang diktador;
Kamatayan niya’y hindi pa matukoy
kung sinong nag-utos na siya’y ibaon?
Buwan ng Agosto namatay si Cory
ang pamana niya’y ating democracy;
Subalit masdan mo’t sa mga diskarte
hindi makabangon mga taong api!
Buwan ng Agosto’y naupo si Noynoy
na bagong pangulo nitong ating nasyon;
Di pa nagtatagal sa kanyang posisyon
palpak ng pulisya’y sa kanya nabunton!