Sisihan at turuan
MARAMI ang nagsisisihan at nagtuturuan sa nangyari sa Quirino Grandstand, kung saan walong turista ang namatay, kasama rin ang hostage-taker. Sino nga ba ang may kasalanan? Kung sinu-sino na ang sinisisi paibaba at paitaas sa hagdanan ng gobyerno, hanggang pati si Presidente Aquino ay sinisisi na rin.
Sa pagpapatakbo ng gobyerno, may tinatawag na “delegation of authority” at “command responsibility”. May kaugnayan ang “command responsibility” sa “chain of command”. Ayon sa sistema ng gobyerno, ang isang opisyal na may kapangyarihan ay maaring mag-delegate ng kanyang poder sa isang mas mababang opisyal at ang mababang opisyal na iyon ay ang dapat managot kung ang trabaho ay nagagawa o hindi. Ayon din sa sistema, ang huling sisi ay nasa pinakamataas na opisyal sakaling ang mga tauhan niya sa ibaba ay hindi gumawa ng tama.
Ayon sa sistema ng chain of command, ang pinakamataas na opisyal ng military in this case ang presidente bilang Commander-in-Chief ang nasa tuktok, at ang Pangulo ang dapat huling sisihin kung ano man ang mangyari, pagkatapos sisihin ang lahat. Ngunit ayon din sa sistema, dapat sagarin muna ang sisihan mula sa ibaba hanggang sa itaas, bago iparating ang sisihan sa pinaka-tuktok. Bagamat ang nangyari sa Luneta ay sinasabing isang municipal matter daw, malinaw na ang nangyari ay isang police matter din, kaya hindi maiwasan na ang kapulisan ay napapasama sa sisihan. Bagamat ang mga pulis ay naka-uniporme, hindi tamang sabihin na kasama sila sa chain of command ng military, dahil ang PNP ay isang civilian na ahensiya ng gobyerno.
Dahil ang nangyari ay municipal matter, ang unang dapat sisihin ay ang local government kung saan nangyari ang insidente. Dahil isang police matter din ang nangyari, ang susunod na dapat sisihin ay ang kapulisan. Dahil hindi military matter ang nangyari, parang wala sa lugar na sisihin ang presidente bilang Commander-in-Chief, dahil ang military chain of command ay may kinalaman lang sa military matters. Kung dapat ngang sisihin ang presidente bilang nasa tuktok ng civilian chain of command, dapat managot muna ang mga nasa ibaba niya bago siya ang huling sisihin. Sa ganitong usapan, dapat kasama sa sisihan ang MMDA, dahil ito ay parang isang province at nasa ilalim ng MMDA ang Maynila.
Tungkol naman sa MMDA, dapat masisi muna ang mga opisyal na nasa ilalim ni Ginoong Tolentino, bago siya ang final na sisihin. Sa loob naman ng DILG, dapat din munang sisihin ang mga nasa ilalim ni Ginoong Robredo, bago siya. Kung hindi kayang panagutan ng Maynila, ng MMDA at ng DILG ang nangyari, saka pa lang dapat panagutin ang presidente, kung wala na talagang ibang masisisi.
- Latest
- Trending