Marahas na aksyon
(Huling Bahagi)
IBINIGAY ng CSMC ang claim for paternity leave ngunit hindi ibinigay ang “claim for bereavement” pati na ang death at accident insurance. Ayon sa CSMC hindi sakop ng CBA ang pagkamatay ng isang sanggol na hindi pa naipapanganak, isang fetus na walang legal na personalidad. Sinabi ng CSMC na ang isang fetus o sanggol na patay na noong ipanganak ay hindi pa tao. Kaya ang salitang “dependent” ay di maaring gamitin sa nasabing fetus dahil wala pa itong personalidad at dahil dito ay di kailangang suportahan at wala rin siyang karapatan para suportahan. Tama ba ang CSMC?
MALI. Ang karapatan sa bereavement leave with pay at iba pang death benefits sa kasong ito ay para sa magulang ng sanggol na namatay. Bagama’t nakasaad sa Kodigo Sibil na ang sibil na personalidad ay mawawala na pag namatay ay hindi ibig sabihin na yun lang na may personalidad na sibil ang maaring mamatay.
Ang kamatayan ay ang pagkawala ng buhay. Hindi magkasingkahulugan ang buhay at sibil na personalidad. Hindi kinakailangang may sibil na personalidad ang isang tao bago siya maaring mamatay. Kahit ang isang sanggol sa sinapupunan ay may buhay. Ang Konstitusyon ay kumikilala sa karapatan ng isang sanggol na nasa sinapupunan at kailangang protektahan ito tulad ng kanyang ina. Kung ang sanggol ay buhay na, ang pagkawala ng kanyang buhay bago pa siya ipinanganak ay tinuturing na kamatayan din.
Ang isang hindi pa naipapanganak na sanggol ay tinuturing ding isang “dependent” sa ilalim ng CBA. Ang sanggol sa sinapupunan ay nakadepende pa sa kanyang mga magulang. Hindi aabot ng 38-39 na linggo ang anak ni Rolly sa sinapupunan ng kanyang ina kung hindi nila sinustena at inalagaan ito. Hindi sinasabi ng CBA na dapat ang isang sanggol sa sinapupunan ay naipanganak na at may sibil na personalidad na upang ito’y maituring na isang dependent. Kaya nararapat lamang na bayaran si Romy ng bereavement leave pay sa halagang P4,939.00 at iba pang death benefits sa halagang P11,550.00 (Continental Steel Mfg. Corp. vs. Montano et. al. G.R. 182836, October 13, 2009).
- Latest
- Trending