Dumadami kaso ng dengue!
AYON sa Department of Health (DOH), umakyat ng 88.8% ang dami ng kaso ng dengue, kumpara sa nakaraang taon. Umakyat ng 465 mula sa 350 ang mga namatay dahil din sa nasabing sakit. Bakit dumadami ang mga nagkaka-dengue? Hindi pa ba sapat ang inpormasyon na binibigay ng gobyerno sa mamamayan ukol sa dengue, tulad ng kalinisan ng paligid partikular mga tubig na namamahay lang? O dahil ba hindi binibigyan ng halaga ang inpormasyon na iyan hanggang magkasakit na?
Pero matindi talaga ang lamok na nagdadala ng dengue. Ayon sa DOH at iba pang ahensiya, ang babaing lamok na Aedes Aegypti, na sa umaga nangangagat, ang may dala ng Dengue Hemorrhagic Virus. Kaya karamihan ng mga nakakagat ay mga bata na nasa paaralan. Pero tumataas na rin ang mga matatanda na nagkakasakit ng dengue. Malaking bagay talaga ang kalinisan ng paligid. Sabi nga, ang babaing lamok ay puwedeng mangitlog sa isang tansan na may tubig. Parang swimming pool na kasi sa lamok iyon! Kaya mahalaga na malinis ang paligid, walang nakatihayang mga gamit na pwedeng bahayan ng tubig, kasama na ang tansan.
Isa pang inpormasyon ukol sa dengue itong taong ito ay ang pagbaba ng dami ng kaso sa Metro Manila. Sa datos na nakuha ng DOH, mukhang may tulong ang ginagawang inpormasyon ukol sa sakit sa Metro Manila at bumaba ang dami ng kaso. Maganda naman at may mga nakikinig sa mga abiso at payo para masugpo ang dengue. Mataas ang bilang ng mga nagka-dengue sa Calabarzon, Kanluran at Silangang Visayas, at Hilaga, Kalagitnaan at Timog Mindanao. Maaaring hindi pa nakaaabot ang inpormasyon ukol sa dengue sa mga lugar na ito kaya mataas pa ang bilang ng kaso.
Hindi mawawala ang lamok sa buhay natin. Kasama na natin ang mga pesteng iyan. Ang mahalaga ay ang pag-iwas makagat ng mga ito, sa pamamagitan ng kulambo, sapat na pananamit, at kalinisan ng lugar. Bagama’t masama rin sa kalusugan ang paggamit ng mga kemikal na pampatay ng lamok, gumamit na rin nito pero mag-ingat rin at huwag langhapin ang mga kemikal nang matagalan. At sa unang indikasyon ng lagnat na tumatagal ng dalawang araw, magpatingin kaagad. Walang gamot ang dengue, pero dapat mabantayan ang pasyente dahil sa peligro ng masyadong mababang bilang ng platelets. Kung kailangang salinan ng dugo, mabuti na kapag nasa ospital na. Sana sa susunod na taon, mas mababa na ang bilang ng mga kaso. Kakayanin ito kung tatandaan ang mga paraan para labanan ang dengue, hindi lang sa tuwing tag-ulan kundi buong taon.
- Latest
- Trending