HINDI ka ba napatunganga sa pinakahuling statement ni DILG Secretary Jesse Robredo? Maaalalang si Sec. Robredo ay nasa kalapit na Emerald Restaurant, bahagi ng emergency meeting ni P-Noy at minomonitor daw ang sitwasyon nung gabi ng hostage tragedy. Sa Senado, aniya’y gusto na raw niyang ipatigil ang media coverage dahil napapanood ng hostage taker ang mga pangyayari sa TV. Nang itanong ni Sen. Legarda kung anong hakbang ang ginawa niya, inamin ni Robredo na wala na siyang ginawang follow-up dahil “akala niya’y may umasikaso na rito”.
Noong Miyerkules naman ay buong katapatang inamin ni Robredo na hindi raw siya isinali sa usapan. I was out of the loop!. Kahanga-hanga rin itong si Robredo. Biruin mong aminin sa buong bansa na hindi siya isinama sa decision making process ng kagawarang kanya mismong pinamumunuan? Pero andun daw siya – nagmo-monitor! Ano ang mino-monitor niya gayong wala naman siyang ideya kung ano ang mga plano at desisyon ng kanyang sariling mga pulis? Sa madaling salita, nung gabing iyon, ang nagmo-monitor na Kalihim ay walang ginagawa kung hindi ang mag-MIRON.
Subalit hindi ito ang pinakasukdulan ng aking ikinagugulat. Saan nakuha ni Sec. Robredo ang lakas ng loob na aminin sa bansa ang kanyang kawalan ng kapangyarihan sa kanya mismong kagawaran? Ano ang kanyang motibong aminin na, dahil ang expertise niya raw ay local government lang, tanging ang lokal na pamahalaan lamang ang kanyang kargo habang ang kapulisan ay teritoryo naman ng kanyang undersecretary for the interior? Sa tingin ba niya’y sapat na itong paliwanag upang siya’y huwag nang pulaan?
May naganap na trahedya. May mga bisita tayong namatay at nasaktan sa kamay ng sarili nating mga opisyal. At ang ahensiyang may pananagutan ay ang DILG. Si Robredo ang Secretary ng DILG – hindi siya undersecretary for local government only. Malinaw ang kanyang dapat gawin.
Tulad ng sinulat ni Sir Al Pedroche kahapon: Ang golden boy na si Robredo ay naging tanso sa isang iglap. Sabi nga ng isang sikat at tinitingalang mayor ng isang progresibong lungsod sa lalawigan nang itanong ang kanyang formula ng tagumpay: “Lahat mag-uumpisa nang malinis ang talaan. Subalit kung magkamali ka — kahit minsan lang – you’re out!” Naiintindihan ito ng Kalihim. Ang mayor na nagbigkas ng mga imortal na salitang ito ay walang iba kung hindi si ex-Mayor Jesse Robredo ng Naga City.
DILG Sec. JESSE ROBREDO
GRADE: 65