INAKDA ni Sheldon Silverstein ang picture book na The Giving Tree noong 1964. Mula nu’n ay naisalin na ito sa mahigit 30 wika, at bumenta na ng milyun-milyong kopya. Napakasimple ng mensahe nito:
Merong isang punongkahoy sa gilid ng gubat, na mahal na mahal ang batang lalaki. Araw-araw dumarating ang bata para maglaro. Iniipon ng puno ang kanyang mga dahon para gawing korona, upang maghari-harian ang bata. Naglalambitin at nagduduyan ang bata sa mga sanga ng puno. Masaya silang dalawa. At kapag napagod na sa kalalaro, natutulog ang bata sa lilim ng puno.
Lumilipas ang panahon at lumalaki na ang bata. Bihira na mapasyalan ang puno, kaya nalulungkot ito. Minsan dumating ang lalaki, binatilyo na. Laro agad ang naisip ng puno. Pero wala ito sa plano ng binata. Pinitas niya lang lahat ng bunga ng puno; ibebenta sa bayan para magkapera. Natuwa rin ang puno na nakatulong siya sa mahal na lalaki.
Matagal na naman hindi pumasyal ang binata. Isang araw bumalik ito sa puno. Siyempre galak na galak ang puno na makakapaglaro sila. Pero iba ang nasa isip ng lalaki. Sa pamamagitan ng palakol, sinibak niya lahat ng sanga ng puno upang gawing bahay. Masaya pa rin ang puno na nakatulong siya.
Muli mahabang panahon ang lumipas bago bumalik ang lalaki. Nang dumating ito isang araw, tuwang-tuwa ang puno na makita siya, at nag-isip agad ng laro. Pero ang pakay ng lalaki ay gumawa ng bangka para lumakbay sa ibayong dagat. Nilagari niya ang trunk ng puno upang ibuwal. Saka niya ito kinaladkad pauwi para gawing kasko ng bangka. Bagamat tuod na lang, masaya ang puno na natulungan ang lalaki.
Ilang taon ang lumipas. Bumalik ang lalaki na uugud-ugod na. Alam ng puno na hindi na niya kaya makipaglaro. Umupo ang lalaki sa tuod para magpahinga. Hanggang sa huli masaya ang puno, na miski tuod na lang ay natulungan pa rin niya ang lalaki.