P-Noy natanso kay Robredo
MAHUSAY man ang leader, dapat mahusay din ang mga katulong niya sa paglilingkod. Kung hindi, sasablay siya. Nagkakaisang ibinoto ng sambayanan si Benigno “P-Noy” Aquino bilang Pangulo. Ang pag-asa nila ay matatagpuan na ang “daang matuwid.” Tulad ng karamihang Pilipino, nag-aalab ang pag-asa sa puso ni P-Noy. Sinsero siya sa pagsasabing: “Puwede na tayong mangarap muli”. Wala siya ni katiting na hangaring lokohin ang sambayanan.
Kumikinang ang accomplishment ni DILG Sec. Jesse Robredo bilang Mayor ng Naga City. 1988 nang siya’y maging Mayor sa edad na 29. Umunlad ang dating walang kabuhay-buhay na siyudad sa loob ng ilang taong pamamahala. Naihanay ang Naga City sa listahan ng Asia Week Magazine ng “Most Improved Cities in Asia” noong 1999. Tumanggap pa si Robredo ng Ramon Magsaysay Award for Government Service noong 2000. Kaya walang pag-aatubili si P-Noy nang irekomenda ng screening committee ang paghirang sa kanya bilang Kalihim ng DILG. Maganda ang impresyon sa kanya ng kanyang mga tagasuporta sa Liberal Party (LP).
Pero habang may hostage-drama sa Luneta na ikinamatay ng walong Hong Kong nationals dahil sa palpak na pagresponde ng mga awtoridad, wala si Robredo. Nasaan siya? Iyan ang tanong ng marami. Ang “ginto” ay naging “tanso” sa isang iglap.
Sablay ang mga sagot ni Robredo sa panayam sa pambansang telebisyon. Para bang sinasabing hindi siya dapat ma-involve sa isang local na situwasyon. Tila naghuhugas-kamay! Nakalimutan na ba ni Robredo na ang Philippine National Police ay nasasakupan ng kanyang kapangyarihan at hindi siya ubrang maghugas-kamay sa mga pagkakamali nito?
Hayy! Aniya hindi siya bahagi ng crisis management group na nanguna sa —pagkumbinse kay dating Senior Inspector Rodolfo Mendoza. “I was not in the loop. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa mga pag-uusap nila,” aniya. Wow naman! Itinuturo niya ang tauhan niyang si DILG Undersecretary Rico Puno na siyang naatasang magmasid sa mga nangyayari sa Quirino Grandstand noong mga oras na iyon.
Oo, Secretary Robredo, noong mga oras na kumaka-in ka ng sugpo at alimango sa Emerald Restaurant, pinuputukan na ni Mendoza sa ulo ang kanyang mga bihag! Ang isang tunay na pinuno, hindi nagtuturo ng sisi dahil siya ang dapat na umaako rito. Ang isang tunay na pinuno ay ginto at hindi tanso.
- Latest
- Trending